Bagong bahay ng Childhaus bukas na!

MANILA, Philippines - Naging malaking isyu ang pagpapaalis ng PCSO sa Quezon Institute, Kyusi sa mga batang maysakit na pansamantalang tumutuloy sa isang gusali roon na tinawag na Childhaus. Ayon sa PCSO Advisory ay kailangan nang gibain ang gusali.

Last quarter ng 2010 dumating ang notice at naging problema ng Ricky Reyes Foundation ang paghahanap ng paglilipatan sa mga pasyenteng maysakit na cancer at iba pang malubhang karamdaman lalo’t ang extension na ibinigay ay July 31, 2011.

Sa wakas, matapos ang anim na buwang paghahanap ay nakatagpo ng isang two storey residential house si Mader na ipinaayos sa loob lamang ng dalawang linggo. Ito’y sa Ofelia Village, Project 8, Kyusi. Kung lumuha ang mga bata, magulang at mga volunteers sa paglisan sa dati nilang bahay matapos ang halos walong taon, masasayang ngiti ang naging reaksiyon nila habang pumapasok sa bagong bahay na ayon sa kanila’y tila mansion ng mga mayayaman.

Sa Agosto 8, Lunes ay pasisinayaan na ang bagong Childhaus na nabuo sa pakikipagtulungan ng Fil-Hair Coop, Mirriam College, UST Alumni, Women In Travel, Ms. Earth Foundation, Karylle, Divine Lee, Victor Basa, Bernadette Sembrano, Lhar Santiago, Nelson Canlas, Henry Omaga Diaz, at Tates Gana Bautista.

Sa Life And Style With Gandang Ricky Reyes ngayong Sabado alas-onse ng umaga sa GMA News TV ay itatampok ang madramang pag­lipat ng mga batang maysakit na sa kaligayahan ay madali mong mahuhulaang nasa puso ang kasabihang – bagong bahay, bagong pag-asa.

Show comments