MANILA, Philippines - Tatlo sa mga tanyag at iginagalang na pangalan sa investigative journalism – Malou Mangahas, Sheila Coronel at Ed Lingao – ang magsasanib puwersa ngayong Huwebes, 8:00 p.m. upang ibahagi ang Freedom of Information bill sa espesyal na episode ng GMA News TV Investigative Documentaries.
Dahil hindi muling isinama ng pangulo ang Freedom of Information bill sa listahan ng kanyang priority measures, ipaliliwanag ng GMA News TV Investigative Documentaries host na si Malou Mangahas ang kahalagahan ng nasabing bill.
Bukod sa pagiging host ng GMA News TV ID, si Malou Mangahas ay siya ring Executive Director of the Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Nagbabalik naman sa bansa para makibahagi sa episode na ito ng ID si Sheila Coronel, founding Executive Director ng Stabile Center for Investigative Journalism sa Columbia University. Ito rin ang unang pagkakataon na magiging bahagi ng isang investigative report sa GMA News TV si Ed Lingao, beteranong journalist at Multimedia Director ng PCIJ.
Tatalakayin ng tatlo kung bakit kailangang pagtibayin ang Freedom of Information bill upang maisakatuparan ang pangako ng PNoy administration na maging matuwid at bukas sa publiko upang mabawasan ang katiwalian.
Kakapanayamin ni Coronel ang mga beteranong mamamahayag noong martial law samantalang sasama si Lingao sa grupo ng ID researcher upang subukan kung gaano ka-transparent ang 17 Metro Manila mayor pagdating sa kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Ipaliliwanag naman ni Mangahas ang kahalagahan ng FOI sa pagtataguyod ng isang bansa at ang kanilang pakikipaglaban sa loob ng ilang dekada upang ito ay maisakatuparan at maisabatas.