Doña Negra ni Nora, wala pa ring script

Tama na muna ang pulitika dahil taga-showbiz ako. Hindi ko pa natatanggap ang script ng Doña Negra, ang mini-series na gagawin ni Nora Aunor sa TV5. Hinihintay ko ang script na ipadadala sa akin ng TV5 dahil may special participation sa Doña Negra si Christopher de Leon.

Dahil wala pa ang script, hindi ko pa alam kung kailan magsisimula ang taping ng project. May mga tumatawag kasi sa akin at nagtatanong tungkol sa taping  nina Nora at Christopher dahil gusto raw nila na makunan ang pagtatagpo ng ex-couple. Type raw nila na ma-witness ang muling pagkikita ng dating mag-asawa.

Mga tumutulong kay John Rendez na-shock sa kanyang warrant of arrest

Nakarating sa akin ang balita na na-shock daw ang mga tao na tumutulong kay John Rendez para makabalik na ito sa Pilipinas dahil hindi sila aware na may outstanding warrant of arrest ang ex-singer/actor.

Pabor pala kay John na naungkat na may warrant of arrest siya sa Pilipinas dahil mas mahirap na ang mga pulis na sasalubong sa pagdating niya sa Ninoy Aquino International Airport ang may alam lang. I’m sure, hindi pinangarap ni John na malagyan siya ng posas sa pag-uwi niya sa Maynila.

Ipinalit kay Heart na partner ni Dingdong, misteryo muna!

Matutuloy ang primetime show ni Dingdong Dantes sa GMA 7 kaya walang dapat ipag-alala ang kanyang fans na excited nang mapanood uli sa isang TV series ang kanilang iniidolong aktor.

Nasabi na sa akin ang name ng aktres na makakapareha ni Dingdong sa primetime show pero hindi ko pa puwedeng i-announce. Basta ang sigurado, hindi Heart Evangelista ang pangalan ng mystery actress. Mystery actress daw o!

Walang ipinagkaiba sa showbiz...

Wala talagang ipinagkaiba ang pulitika sa showbiz. Bago pa nag-resign kahapon sa senado si Senator Juan Miguel Zubiri, ibinalita na nina Papa Mike Enriquez at Arnold Clavio sa kanilang radio program ang pagbibitiw na gagawin ng senador.

Ganyang-ganyan ang mga eksena sa showbiz. Kadalasan, nauunang pumutok ang balita bago pa mag-announce ang isang artista.

Hinangaan ang ginawa ni Senator Zubiri pero parang hindi na-impress si Atty. Koko Pimentel, ang senatorial candidate noong 2007 na biktima ng pandaraya. Hindi happy si Atty. Pimentel dahil hindi raw in-acknowledge ni Zubiri ang naganap na dayaan.

Ang sey ni Atty. Pimentel, hindi totoo na baseless ang mga akusasyon laban kay Senator Zubiri dahil nagsasalita na ang mga tao na may kinalaman sa diumano’y dayaan na nangyari sa eleksiyon ng mga senador noong 2007.

Si Atty. Pimentel ang pinakamahigpit na kalaban ni Senator Zubiri sa 12th slot ng mga nahalal para sa senado, apat na taon na ang nakalilipas.

Maid of Honor favorite ang tween stars

Ngayong tanghali ang presscon sa GMA 7 ng Tween Academy, Class of 2012.

Positive ako na kikita sa takilya ang launching movie ng Tween Stars ng GMA 7 dahil tagahanga nila ang mga kasambahay ko.

Mahigpit ang bilin ng aking maid of honor na ibigay ko sa kanya ang press kit ng Tween Academy.

Ngayon pa lang, buo na ang plano ng maid of honor ko na panoorin sa sinehan ang unang pelikula ng kanyang mga sinusuportahan at hinahangaan na youngstars.

Napagkamalang si Cristy Fermin

Mama Salve, natanggap ko agad ang pasasalamat ng PSN reader na si Gerald Mendoza na nag-request na i-greet ko siya at ang mga kababayan natin na nagtatrabaho sa Israel.

Tuwang-tuwa si Gerald dahil pinagbigyan ko ang kanyang kahi­lingan pero naloka ako sa kanyang pagpapasalamat.

Ang sey ni Gerald, natuwa siya nang mabasa niya sa PSN ang pagbati ko sa kanya. Hindi raw niya inaasahan na malalagay ang  kanyang name  sa PSN column ni CRISTY FERMIN! (Hahaha. Nakakaloka po siya.- SVA)

                                                                          

Show comments