Noong Huwebes ay namataan si Andi Eigennmann sa Cinemalaya screening sa UP Diliman. Humarap siya sa press at nagawa pa niyang makapagpasalamat sa mga taong patuloy na sumusuporta sa kanya.
At noong Sabado naman ay muling nagpakita sa publiko ang young actress. Sinamahan niya ang amang si Mark Gil sa screening naman ng Cinemalaya movie na Amok na pinagbibidahan ng aktor.
Masaya nang hinarap ni Mark ang kalagayan ng kanyang anak ngayon. “Yeah! She’s doing very, very well. Medyo nakakapa-kapa na. May pictures na ng ultrasound. Excited kaming lahat, the whole family, both sides,” pahayag ni Mark.
Nagbigay din ng pahayag ang young actress tungkol sa kanyang kondisyon ngayon. Patuloy pa rin ang kanyang trabaho sa Minsan Lang Kita Iibigin. “Ngayon lahat kami busy saka sobrang extra work ’yung pinu-put namin kasi magtatapos na ang teleserye. Kaya mas bumibigat pa ngayon, kaya mas maraming nangyayaring exciting since it’s meeting its end kaya sana po suportahan ninyo saka patuloy kayong manood,” pahayag ni Andi.
Todo ang pag-aalaga ng buong production staff sa kanya dahil sa kanyang kalagayan ngayon. “Inaalagaan nila ako saka they make sure that I’m comfortable doing everything that they need me to do ako rin naman po ’yung effort, binabalik ko sa kanila,” kuwento pa ni Andi.
Mayroon na rin plano ang young actress pagkatapos niyang manganak.
“Susubukan ko pong bumalik as soon as I can. I didn’t enter showbusiness for any other reason than because gusto kong maging magaling na aktres, kaya ipapagpatuloy ko ’yun kaya wala namang makakapigil doon,” diin ni Andi.
Mayroon ding mensahe si Andi sa lahat ng walang sawang nagbibigay ng suporta sa kanya. “Nagpapasalamat po ako at sobrang saya ko po na naa-appreciate hanggang ngayon kahit anong mangyari nandiyan pa rin po kayo para sa akin. Sinusuportahan ninyo po ako kung anuman ’yung napagdaanan ko sa buhay. Masaya ako just the way you know, yes,” emosyonal na pagtatapos pa ni Andi.
Kathryn at Julia triple na ang pressure na nararamdaman
Sa kauna-unahang pagkakataon ay magsasama sina Kathryn Bernardo at Julia Montes sa isang pelikula, ang Way Back Home na showing na sa Aug. 17 mula sa Star Cinema. Ngayon pa lamang ay pressured na ang dalawa pero kakaiba talaga ang kanilang mga ginawa sa nasabing pelikula.
“Sa acting medyo may maturity dito. Iba na ’yung atake, iba ’yung role namin. Sa story kasi magkapatid kami, more on sa family problems. So, paano mo i-handle ’yung bilang isang pamilya? Talagang every shot pulido, ’yung emotions kailangan naming i-maintain,” pahayag ni Julia.
“Family drama, kapag sinabing family drama na gawa ng Star Cinema, talagang inaabangan ng mga tao. Hindi naman po nawawala ’yung pressure sa amin ni Julia, doble, triple na pressure ’yung nararamdaman namin,” pahayag naman ni Kathryn. — Reports from JAMES C. CANTOS