PIK : Nagulat si Christopher de Leon nang nakarating sa kanya ang balitang magsasama sila ni Nora Aunor sa isang drama series na gagawin ng superstar sa TV5.
Wala pa raw natatanggap na alok si Boyet tungkol sa naturang project na iyan at kahit ang manager niyang si Manay Lolit Solis ay wala naman daw silang napagkasunduan ng TV5.
Pagkatapos ng Captain Barbell ay kinuha agad si Boyet ng 100 Days to Heaven para mag-guest sa naturang teleserye.
May mga ilang guestings daw na inaalok sa kanya ang TV5 pero wala pa siyang natatanguan.
Ang pagkakaalam naman ni Manay Lolit, parang guesting lang din daw ang appearance ni Boyet sa drama series na gagawin ni Nora sa TV5. Pero wala pa raw talaga silang napag-usapan ng Kapatid network.
PAK : Hindi pa raw tuluyang binibitiwan ng GMA 7 si Paulo Avelino.
Totoong may pag-uusap sa pagitan ng ABS CBN 2 at ng manager niyang si Leo Dominguez pero hindi pa nila makumpirma kung tuloy na ang paglipat nito sa Kapamilya network dahil tila pinipigilan pa ito ng GMA 7.
Pero marami ang nagsasabing gaganda ang career ni Paulo kung magiging Kapamilya talent ito.
BOOM : Matindi ang mga naging rebelasyon ni Claudine Barretto sa interview ni Ricky Lo na lumabas sa Startalk kahapon.
Lahat ng isyung kinasangkutan ng aktres ay sinagot nito. Pero karamihan ay tinanggihan niya.
Itinanggi ni Claudine ang isyung hiwalay na sila ni Raymart Santiago, pati ang napabalitang pagkalulong daw nito sa droga at pagkakarehab.
Sinagot din ni Claudine ang pagkaka-link nito sa kaibigan ni Raymart na si Martin Castro pati sa mga kilalang personalidad na sina Atong Ang, Sen. Jinggoy Estrada at Wendell Ramos.
Ang isa naman sa inamin ni Claudine ay ang dumadaan siya sa psychiatric treatment mula pa nung 2002.
Wala naman daw masama sa ganun kaya hindi niya ito itinatago.
Malaki lang ang pasasalamat ni Claudine kay Raymart dahil nandiyan pa rin daw ito sa tabi niya at patuloy ang suporta.
Kaya raw nagsalita na siya kay Kuya Ricky para sa Startalk ay para matigil na raw ang kung anu-anong naglalabasang kuwento laban sa kanya.