Mga respetadong aktres never nagpagalaw ng mukha
MANILA, Philippines - Tunay na papaunlad ang siyensia at maraming modernong pampabata o rejuvenation ang natutuklasan. Tutok lang ngayong Sabado alas-onse ng umaga sa Life and Style With Gandang Ricky Reyes dahil ipakikita rito ang treatment sa dinalaw ni Mader Ricky na Bangkok Mediplex na ngayo’y pinakamalaking medical mall sa buong mundo.
Mismong ang ating host-producer ang sasailalim sa isang paraan ng pampatunaw ng taba at nakaka-flat ng tiyan. Ito ay ang ”carbon dioxide and oxygen therapy.” Sabi ng beauty guru, “Madali lang ang proseso at wala akong sakit na naramdaman. Iniineksyon sa loob ng balat ang carbon dioxide at oxygen sa mga parte ng katawang gusto mong maging fit and trim.”
Ipakikita rin ang kahanga-hangang pampaalis ng kulubot sa mukha, leeg, braso at iba pang parte ng katawan. Ito ngayon ang dinarayo sa Bodji Clinic sa Bangkok, Thailand. Ito’y ang thread lift na ginagamitan ng sinulid na ginagamit sa ordinaryong operasyon o siurgical sutures na ipinapasok sa loob ng balat at ang gold thread life na 99.9% sinulid na yari sa ginto naman ang ginagamit.
Kung maraming kababaihan ang handang gumasta para magmukhang bata, ibahin ninyo ang mga respetadong aktres na sina Gloria Romero at Luz Valdez. Ang mga magagandang lola ay ‘di raw papayag na sumailalim sa siyensiya at mas gusto nila ang anyo na God-given.
Tutukan din ang mga paghahandang ginagawa ng Ricky Reyes Foundation, Fil-Hair Coop, Gandang Ricky Reyes Salon Managers sa pakikipagtulungan sa mga NGO sa paglilipat-bahay sa Ofelia Village, Road 20, Project 8, Quezon City ng kanilang proyektong CHILDHAUS na tuluyan ng mga batang maysakit na cancer.
Chris Tiu sinundan-sundan
Ngayong Sabado, susundan ng Follow That Star ang buhay ng isa sa pinakasikat na basketball player at TV personality ngayon - si Chris Tiu.
Nakilala sa galing sa basketball bilang team captain ng koponang Ateneo Blue Eagles, si Chris ang siya rin tumatayong team captain ngayon ng SMART Gilas.
Bukod sa pagiging atleta, isang businessman, commercial model at TV host ng GMA 7 si Chris. At kung sa tingin ng marami ay hectic na ang schedule ni Chris dahil sa kanyang mga nabanggit na trabaho, kulang pa pala ito dahil nagsisilbi rin si Chris bilang barangay kagawad sa Makati at aktibo rin siyang tumutulong sa mga kapus-palad sa pamamagitan ng Habitat for Humanity!
Game na game si Chris Tiu habang tinututukan ng Follow That Star mula umaga hanggang gabi.
At pati laman ng kanyang bag at ang kanyang girlfriend ay hindi nakaligtas sa kamera ng pinakabagong reality show ng bansa.
Sundan ang buhay ng mga sikat at kilalanin nang husto ang Kapusong si Chris Tiu sa loob at labas ng court sa Follow That Star ngayong Sabado, ika-7:55 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.
Huling gabi ng Secret Garden
Mapapanood ngayon sina Owen at Jamie sa huling gabi ng Secret Garden ng GMA 7.
Sadyang hindi nga malilimutan ang Koreanovelang ito dahil talaga namang pinatawa, pinaiyak at pinakilig nito ang mga manonood sa bawat eksena.
Kahit naipalabas na ang happy ending nina Owen at Jamie sa sikat na Koreanovela, patuloy pa ring sinusubaybayan ng mga manonood ang special feature na Secret Garden Sa Loob Ng Hardin.
Dito masayang matutunghayan ang mga nakakatawang “bloopers” ng mga aktor na bumubuo ng kuwentong napamahal na rin sa kanila.
Huwag palampasin ang pagkakataong makasilip sa loob ng hardin nina Owen at Jamie!
Panoorin ang Secret Garden Sa Loob Ng Hardin pagkatapos ng Munting Heredera sa GMA 7 Telebabad.
- Latest