Bagama’t sinisiguro na ng mga taong nasa likod ng pag-uwi sa bansa ni Nora Aunor sa Agosto 2 (6 a.m. daw) at pati ang flight number niya ay alam na, may duda pa rin ako, with due apologies to German Moreno na nagturo sa akin na paniwalaan lamang na darating nga ito kapag nakita ko na siya.
Napakasikat pa rin ni Nora ha? Nagkakagulo ang mga tao sa pagdating niya. Tatlu-tatlo ang sasalubong sa kanya, bukod kay Kuya Germs, pangungunahan din ang welcome committee ni Laguna Gov. ER Ejercito at isa sa mga bossing ng TV5 na si Perci Intalan.
Obviously, walang aaksayahing sandali ang mga magbibigay ng project kay Nora. Magro-roll agad ang cameras ng TV5 para magawa agad ng Superstar ang dapat niyang gawin habang nakaalalay lamang ang Scenema Concepts ni ER para naman sa pagsisimula ng trabaho nito sa El Presidente.
Sharon at Juday nag-unahan sa pagpayat
Dalawang aktres natin ang pinatutunayang nagwawagi sila sa battle of the bulge. Si Sharon Cuneta na host ng The Biggest Loser Pinoy Edition ay malaki na ang iniliit ng bewang at talagang gugulatin ang mga tagahanga at tagasubaybay niya.
Judy Ann Santos has also reasons to rejoice, 27 lbs. na ang nababawas sa timbang niya. Excited na siya at maging ang mister niyang si Ryan Agoncillo dahil sexy na siyang muli.
Pero ang pinaka-source ng kanyang happiness ay mukha na naman siyang dalaga at very attractive na naman kay Ryan.
Mentalist nangungulam din
Isang naiibang panoorin ang nakita ko minsang pumasyal kami ng mga kasamahan kong entertainment writers na sina Cris Belen at Chit Ramos sa set ng bagong palabas ng GMA 7 na Mind Master. Tampok dito ang mabilis na sumisikat na Pinoy mentalist na si Nomer Lasala.
Bago pa lamang ang programa but, already, it is creating a storm among the television viewers tuwing Linggo ng gabi dahil sa ipinakikitang talent ni Nomer. Kung sa Linggo ay makakaya niyang i-reveal ang ilang numero ng telepono na maiisip na random ng mga bisita niyang artista, sa taping na nasaksihan naming tatlo, nahulaan niya ang planong biyahe ni Julia Clarete na sumulat lamang ng tanong niya sa isang papel. Itinanong nito kung alin sa limang bansa na isinulat niya siya pupunta. Hindi lamang ang naiisip niyang biyahe ang nahulaan ng Pinoy mentalist, pinangalanan din nito ang dalawang bansa na pupuntahan ng Eat Bulaga host.
Bisita rin si Michelle Madrigal na nagtanong kung magiging sikat ba siyang chef. Hindi lang ito nahulaan ni Nomer, nasagot pa niya in the affirmative ang tanong ng aktres.
Bagama’t may pagka-skeptical ako sa mga hula ni Nomer, nakita ko kung paano niya nahulaan ang mga pangalan ng mga magulang ni Sarah Lahbati mula sa mga nakataob na larawan ng mga couples na napili nito na nilagyan niya ng pangalan.
Impressive rin ’yung pagkakahula niya sa problema ni Julieanne San Jose tungkol sa pag-aaral nito na naapektuhan na ng lubusan ng kanyang pag-aartista.
Pero ang pinaka-exciting na parte ng palabas ng Mind Master na mapapanood n’yo dalawang linggo fom now ay ang ginawa niyang pagkulam kina Sheena Halili at Jay Perillo sa tulong ng isang voodoo doll. Iba ito sa black magic ng mga witches, mentalismo ang pinagalaw niya at for fun lamang kaya niya ito ginagawa.
Pinapikit niya ang dalawa at kinalabit ni Nomer si Sheena sa likod na ikinaigtad nito. Si Ali Sotto na guest host ng araw na bumisita kami ay tinusok ng karayom ang batok ng doll na naramdaman ni Jay. Sinunog din nito sa pamamagitan ng lighter ang mga buhok sa kamay ng manika na nagsisilbing mga kamay nito. Hindi man nagpakita ng reaksiyon ang singer na nahulaan ni Nomer na may sikretong girlfriend na hindi pa nito inaamin, nang ipinabukas niya ang dalawang palad ni Jay ay may mga abo na nakita rito!
Bagama’t hindi 100% ang accuracy ni Nomer, kapag nagkakamali siya ay hindi naman ganun kalayo.
I suggested na next time na mag-invite sila ng media, sila ang isalang at basahin ni Nomer para maging mas kapani-paniwala at credible ang mga ginagawa niya.