Anak ng OFW sumisikat na singer sa Europe

MANILA, Philippines -  Isang 14 anyos na Pinay singer na nakikilala na sa Europe ang kasalukuyang nasa Pilipinas para mag-promote ng kanyang album na All I Wanne Be sa ilalim ng MCA Music.

Si Lica de Guzman na based sa Geneva, Switzerland at anak ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) ay naging paborito ng audience sa Europe at nakasama na sa ilang konsiyerto ang ilang international singers na tulad nina Phil Collins at Bryan Adams.

Kabilang sa dinayo ni Lica ang Maynila at Davao para sa ilang linggong promosyon ng kanyang album at lumalabas din sa ilang TV at radio program.

Pitong taong gulang pa lang si Lica nang mapansin ang kanyang talent sa pagkanta sa annual Caribana Festival 2004. Natuklasan siya kinalaunan ng TV personality, pianist, at TV producer sa Europe na si Alain Morisod at agad siyang pinag-guest sa top-rated program nitong Coups de Coeur d’Alain Morisod.

Nagkaroon ng biggest break ang bagets nang maimbitahan siya bilang surprise guest sa Reves, isang special musical Christmas show na produced ng Television Swiss Romand and Little Dreams Foundation. Kinanta ni Lica ang French song ni Lara Fabian na kabilang din sa mga naimbitahang celebrities.

Kasunod na nito ang mga guest appearances niya sa iba’t ibang TV show at concert sa Switzerland.

Sumuporta rin si Lica sa iba’t ibang mga causes tulad ng paglabas niya sa isang Geneva concert ng ating Original Pilipino Music (OPM) singer Noel Cabangon na tinawag na Pagsaluhan Natin — A Tribute to Overseas Filipino Migrant Workers.

Bilang anak ng isang migrant worker, malapit sa puso ni Lica ang mga simulain para sa mga OFWs.

Sa isang rally na gumunita sa Domestic Workers Rights sa harap ng United Nations-Plaias des Nations, sinabi niya sa mga taong naroon bago siya kumanta, “Ipinagmamalaki ko pong maging anak ng isang domestic worker.”

Nagkaroon na rin siya ng concert sa Davao City bilang suporta sa mga streetchildren ng Bantay Bata. Nagbigay din ang teen singer ng libreng performances sa United Nations Women’s Guild.

Nasubukan ang versatility at propesyona­lismo ni Lica nang sa 10th year anniversary gala concert ng Little Dreams Foundation, nakasama niya sa entablado ang mga older celebrities na sina Laura Pausini, Youssou ‘n’ Dour, Mike Rutherford, at Jermaine Jackson.

Dito siya nahilingan na makipagsabayan nang pagkanta sa mga pop superstars na sina Bryan Adams at Phil Collins.

Pagkatapos ng 20 minutong rehearsal lamang, umakyat si Lica sa entablado at nakipagsabayan sa pagkanta ng hit ni Bryan na Everything I Do na ikinatuwa ng audience.

Inaasahang magiging chartbuster ang bago at una niyang album na All I Wanna Be dahil binigyan ito ng rating ng musical site na justinbreathes.com bilang isa sa mga hottest hits. Kasama sa album ang duet nina Lica at Richard Poon na dumayo pa sa Geneva at London para i-record ang kanilang kanta at i-shoot ang music video.      

Show comments