Manila, Philippines - Ngayong Lunes, haharap si Pangulong Benigno Aquino III upang i-ulat sa bayan ang narating at tatahakin ng kanyang gobyerno sa susunod na limang taon ng kanyang pamumuno. Isang taon matapos manungkulan sa puwesto, titimbangin ng mga Pilipino kung naipatutupad nga ba ni PNoy ang kanyang mga platapormang iniharap sa mahigit sa 15 milyong botanteng nagluklok sa kanya sa puwesto noong eleksiyon ng 2010.
Bago pa man ang SONA, ngayong Linggo (Hulyo 24), kikilatisin ng NEWS5 Debates ang mga opinyon ukol sa pamamalakad ni PNoy sa ispesyal na pagtatanghal ng Hamon sa Pagbabago, Unang Taon ni PNoy: Bagsak o Pasado? 10:30 ng gabi sa TV5 sa pangunguna nina Atty. Dong Puno at hepe ng NEWS5 na si Luchi Cruz-Valdes.
Dedepensahan nina Akbayan Party spokesperson at dating party-list representative Risa Hontiveros-Baraquel, Presidential Communications Operations Office (PCOO) secretary Herminio “Sonny” Coloma at Senador Francis “Chiz” Escudero ang pangulo sa panel ng ‘pasado;’ habang si dating kalihim Ricardo Saludo, at peryodistang sina Jojo Robles at Alvin Capino naman ang uupo sa panel na naniniwalang ‘bagsak’ si PNoy.
Ipinakikilala rin ng episode ngayong Linggo ang makabagong pagtaya sa tugon ng mga botanteng makikibahagi sa programa gamit ang ARS devices.
Sa huli, magdaraos ng exit poll ang Hamon sa Pagbabago upang malaman kung saan ibinase ng mga kalahok ang kanilang boto. Maaari din sumali sa botohan ang mga netizen sa pamamagitan ng pagbisita sa www.InterAksyon.com <http://www.InterAksyon.com> .
Sa Lunes (Hulyo 25), simula 3:30 p.m .ihahatid ng TV5 ang Pagbabago: SONA 2011, ang special coverage sa ikalawang SONA ni Pangulong Aquino sa pangunguna nina Erwin Tulfo at Cheryl Cosim mula sa NEWS5 Center sa Quezon City at kasama sina Martin Andanar, Cheri Mercado at ang buong puwersa ng NEWS5 upang ibahagi ang mga pangyayari mula sa Kongreso at sa iba pang live points.