Bernadette ayos na pagkatapos magka-Bell's Palsy
MANILA, Philippines - Mas nakasisiguro kung doble ang susuri sa inyong kalagayan, doble ang aalalay sa inyong pangangailangan, at doble ang pangangalaga sa inyong kalusugan.
Kaya’t sasamahan kayo ni Bernadette Sembrano at ang bago niyang co-anchor na si Alvin Elchico sa bagong Salamat Dok simula ngayong Sabado (July 23) sa pagbibigay ng dobleng payo, dobleng asikaso, at dobleng serbisyo.
“Kami ang papatnubay at maglilingkod sa mga kailangan n’yong tulong medikal,” sabi ni Bernadette na masaya sa pagsasama nila ni Alvin sa programa.
Aniya’y magaling si Alvin sa pagpapaliwanag ng mga impormasyon na maiintindihan ng mga ordinaryong tao.
“Panibagong hamon ito para sa akin. Magtutulungan kami ni Bernadette na bigyan linaw ang iba’t ibang isyung medikal para maliwanagan ang ating mga kababayang nakikinig.”
Bagama’t ang Salamat Dok ang pinakaunang national TV show ni Alvin, gamay na niya ang mga isyu sa kalusugan bilang dating anchor ng programang Magandang Gabi, Dok sa DZMM noong nakaraang dalawang taon.
Naging bahagi siya ng dating programang Special Assignment at anchor ng TV Patrol Bacolod noong 1990s.
Kamakailan ay pinag-usapan ang kalagayan ni Bernadette sa internet. Inamin ng anchor ang karamdaman niyang Bell’s palsy matapos mapansin ng mga manonood ang madalas na pagpikit ng kanyang kaliwang mata at hindi siya makangiti. Agad naman siyang kumonsulta sa kanyang doctor.
“Ang daming nag-text, nag-Tweet, at nag-email sa akin nang malaman nila ang kundisyon ko. Nakatutuwang malaman na marami’ng nag-aalala sa akin. Nalaman ko rin na maraming tao pala ang may ganito ring karamdaman,” sabi ni Bernadette na bumubuti na ang kundisyon ngayon.
Abangan din ang gagawin niyang episode para sa Krusada na may kinalaman sa kanyang kundisyon.
Tutukan ang bagong Salamat Dok tuwing Sabado, 5:50-6:50 a.m. at Linggo, 7:30-8:30 a.m. sa ABS-CBN.
- Latest