MANILA, Philippines - Kapag ang lalake at babae’y sumasapit sa edad na 40 pataas, kadalasang nagkakaroon sila ng mga karamdamang ang sanhi ay hormonal disorder.
At ngayong Sabado alas-11:00 ng umaga’y ito ang itatampok sa Life and Style with Gandang Ricky Reyes na umeere sa GMA News TV.
Panauhin si Dr. Marinella Agnes (OB-Gyne) na magpapaliwanag tungkol sa menopause na nararanasan ng mga babaeng malapit nang hintuan ng regla. Aapir din si Mommy Caring Seguerra na ikukuwento ang hirap na dinanas nang ipagbuntis niya ang kanyang menopause baby na si Aiza Seguerra na dating child wonder at ngayo’y tinatawag na Acoustic Princess.
Kung ang dating masayahin at cool na si Daddy ay biglang naging magagalitin at mainitin ang ulo, tiyak na siya’y nasa Andropause Stage. Si Dr. Patrick Joel A. Aldana (Urology) ang magbibigay ng payo sa kanila.
Sinadya ni Mader Ricky ang Bodhi Clinic sa Bangkok, Thailand na popular sa mga lunas sa hormonal disorder. May one on one interbyu rin ang host-producer kay Aimee Andag (Endocrinology) tungkol sa Diabetis.
At eto ang magandang balita. Nakatagpo na ng isang lugar na paglilipatan ng Childhaus, temporary shelter para sa mga batang may cancer ang Ricky Reyes Foundation at Fil-Hair Coop. Makikita ang ginagawa nilang paghahanda sa bagong gusaling ito.