Bagets na kundiman singer wagi sa Talentado
MANILA, Philippines - Muli na namang nagtanghal ng panibagong Hall of Famer ang pinakamalawak na talent search ng bansa, ang Talentadong Pinoy ng TV5. Noong Linggo ay idineklara si Melbelline bilang ikalawang Hall of Famer ng kasalukuyang season ng naturang show, matapos ang walong panalo laban sa iba’t ibang naggagalingang talentado.
Si Melbelline Ann Caluag ay labintatlong taong gulang na tubong Guiginto, Bulacan na nagpamalas ng kakaibang husay sa pagkanta ng kundiman. Sa kanyang unang pagkanta ng Ang Maya sa Talentadong Pinoy, naantig niya ang damdamin ng apo sa tuhod ng original singer nito na si Maria Carpena. Dahil dito, gumawa ito ng paraan upang makilala ng personal si Melbelline. Noon din nila nadiskubre na ang Maria Carpena doll na inukit ni Ding Dans ng Paete, Laguna ay may pagkakahawig kay Melbelline. Sinasabi rin nang tanghaling ikalawang Hall of Famer si Melbelline, halos pareho ang damit at ayos nito sa naturang manika.
- Latest