Ruffa niyakap at hinalikan si Driver Ariel

MANILA, Philippines - Isang halik at yakap ang isinukli ni Ruffa Gutie­rrez sa matapat na driver ng Merger taxi na si Ariel Dalangin makaraang isoli nito ang kanyang anim na pares ng mamahaling custom-made na sapatos.

Ang mga sapatos na nagkakahalaga ng US$4,000 (P172,000) ay ibinalik ni Dalangin sa aktres sa pamamagitan ng programa sa dzMM na Aksyon Ngayon nina Kaye Dacer at Manila Mayor Fred Lim.

Naiwan kamakailan ng personal assistant ni Ruffa na si Jimmy Aguilera sa taxi ni Driver Ariel ang mga imported na sapatos.

Nabatid na sumakay si Jimmy noon sa taxi ni Dalangin sa Greenhills, San Juan City para dalhin ang mga sapatos sa beauty queen-TV host-actress na merong shooting sa Pasong Tamo, Makati City. Pero nakaligtaan niya ang mga sapatos dahil kausap niya sa cell phone ang isa niyang pinsan kaugnay sa may sakit niyang ina.

Muntik na sanang ibenta ni Jimmy ang kanilang lupa sa probinsiya para lang mabayaran ang nawalang mga sapatos ng amo.

Show comments