MANILA, Philippines - Laking tuwa ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao at ng mga kasama niyang host dahil sa napakataas na ratings na natamo nila sa pilot episode ng Manny Many Prizes. Naungusan niya ang mga katapat noong Sabado. Marami ang nag-abang siguro kung anu-ano ang mga ipamimigay ni Manny.
Sa nakita sa telebisyon, naloka sila na sa bawat kibot ay may inaabot na pera at ’di basta-basta pera, malaking datung, ang mga co-hosts. Kaya siguro may patutsada ang iba na hindi akalain na ganoon kalaki ang ipinamimigay. May nabasa nga kami na parang mali ng pamamaraan ang itinuturo ng kagaya ni Manny sa pagtulong dahil lalo lang tinuturuan maging tamad ang mga Pinoy. Hindi naman po yata ganun. Si Manny ay may mga charity foundation bukod sa programang ito.
Ang maganda sa bagong game show ay naabot ang mga kababayan natin sa bawat sulok ng Pilipinas na puwedeng tulungan ng Pambansang Kamao na siyang prime purpose ng programa bukod sa entertainment na ibinigay nito. Si Manny pa? Hindi naman niya kailangang gawin ito pero mula sa pagiging mahirap ang pinanggalingan ng boksingero-kongresman at ramdam niya ang hirap ng pagiging dukha.
Hindi naman kasalanan ng bawat tao na ipanganak silang mayaman o mahirap pero sigurado naman ako na ang mga mahihirap ay gumagawa ng paraan para sa pang-araw-araw na ikabubuhay nila pero sadyang may hangganan lang ang kakayahan ng bawat nilalang. ’Kaloka at lumalalim na ang mga sinasabi ko. Talbog!
Si Congressman Manny nga pala ay bibigyan ng isang award, Greatest Athlete in the Last 25 Years, ng The Philippine Star bilang parte ng kanilang ika-25 taong anibersaryo sa July 28 sa Makati Shangri-La Hotel. Kaya isang malaking event ito na dapat daluhan ng Pambansang Kamao. Congrats Manny!!!
Nora nagpa-reschedule ng flight
Hindi itinuloy ng Superstar na si Nora Aunor ang pag-uwi rito sa Pilipinas ngayong Thursday, July 21. Naka-schedule siyang sumakay ng PR 103 mula sa Los Angeles, California pero hanggang sa nag-boarding ay wala si Ate Guy. Balita namin ay ipina-resked nito ang flight niya to July 30 or Aug. 1.
Marami ang nag-aabang sa pag-uwi ni Ate Guy. Kaya masasabi natin na sikat pa rin ang Superstar at nasa isip pa rin siya ng ating mga kababayan. Sa pag-uwi ay manumbalik kaya ang showbiz career niya?
Lea, Luis, Anne sa Twitter nakikipagtsismisan
Maraming artista natin ay active na active sa Twitter. Bawat galaw or utot nila ay naka-post yata sa Twitter. Pero okay naman ’yun at nakaka-interact sila hindi lang sa mga kaibigan kundi sa mga fans na sumusuporta sa kanila. Gaya nina Luis Manzano at Anne Curtis. Sinasagot naman nila ang mga fans at nakikipagbiro pa sila. Ganun din sina Lea Salonga, Solenn Heussaff, at Lovi Poe. Kaya naman maski ang katulad naming reporter ay updated sa mga nangyayari sa kanila. Malaki ang nagagawa ng mga social networks. ’Wag lang abusuhin o gamitin sa masamang paraan.
Claudine, laos?
Congrats din nga pala sa pagbabalik-TV ni Claudine Barretto. Bongga ang Spooky Nights at ang taas-taas ng ratings! Kaya ’wag sabihin ng iba na laos na si Claudine. Ayan at namamayagpag pa at maraming nanonood sa kanya o! Happy naman kami for her. Tuwing Sabado ng gabi ang Spooky Nights sa GMA 7.