Sa darating na Lunes ay nakatakdang mag-celebrate ng kanyang birthday si Sarah Geronimo kasama ng kanyang mga mahal sa buhay.
“Turning 23, simpleng selebrasyon lang sa bahay, kasama ang pamilya, kasama ang kaibigan,” bungad ni Sarah.
Hindi na kasama sa wish list ng Pop Princess ang pagkakaroon ng love life ngayon.
“Sinabi ko naman po ’yan. Gusto kong mag-focus sa aking career. Sa aking relasyon sa aking mga magulang, sa aking pamilya sa Diyos. Darating din ’yan kung darating, kung hindi, eh di hindi,” nakangiting paliwanag pa niya.
Nag-platinum ang album Jericho lumilinaw na ang recording career
Masayang-masaya si Jericho Rosales ngayon dahil sa tagumpay ng kanyang album na Change. Nagkamit ng platinum record award ang nasabing album kaya naman sobra ang pasasalamat ng aktor na kumakanta rin dahil ngayon lamang niya ito naranasan.
“Yes, first platinum sa buhay ko, salamat talaga. Maligaya ako at naibabahagi ko ’yung saloobin ko, pananaw ko sa isang kanta. Feeling ko, lumilinaw ang purpose sa pagiging artist ko.
“I’m really happy. Naa-appreciate ko po ang suportang ibinibigay n’yo sa akin. Thank you for the chance to prove myself in acting and in singing,” nakangiting sabi ni Jericho.
Ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na niya ang kanyang susunod na album. “Abangan n’yo, last quarter ng taon, magre-record na ako ng bagong album,” dagdag pa ni Echo.
Samantala, proud na proud naman ang aktor sa kanyang panghapong show na I Dare You dahil nakaka-inspire ito talaga sa bawat pamilyang Pilipino.
“Isa ito sa mga shows na mahal ko talaga. Napakalapit na niya sa puso dahil ang dami kong experiences na naa-absorb at napagdaanan kasama ang mga bidang Kapamilya. I’m very happy with the success of the show at natutuwa ako na makabuluhan ’yung show namin. I’m so proud of the show, sana patuloy ninyong subaybayan,” paanyaya pa ni Echo.
Xian na-inspire kay Diether
Isang post-birthday celebration ang ginawa ni Xian Lim kamakailan kasama ang mga lolo at lola ng Anawim Lay Missions Foundation sa Rodriguez, Rizal. “Nakakatuwa naman, very heartwarming makita na happy sila. Seeing them smile, I wanna reach out to them. Ang wish ko sa charity work, I want this to be a bigger thing. Ang naging inspiration ko dito ay ’yung K.I.D.S. Foundation ni Diet (Diether Ocampo). I think this would be a good start,” madamdaming pahayag ng newcomer. — Reports from JAMES C. CANTOS