OPM icon magbabalik sa Party Pilipinas

MANILA, Philippines - Ngayong Linggo, sina Maestro Ogie Alcasid at Janno Gibbs ang mangunguna sa isang enggrandeng orchestral grand opening na kasama ang all-star symphony Party Pilipinas artists! Eto pa, isang Original Pilipino Music (OPM) icon ang magbabalik matapos ang matagal na pagkawala sa eksena. Alamin kung sino siya!

Ang mga paboritong tween stars ay kanya-kanyang pagalingan. Habang ang ilang mga ate at kuya nila ay sasabak sa role ng musical arranger, music video director, at choreographer para ilabas ang nakatagong talento na hindi alam ng fans.

Panoorin ang kakaibang party Sunday ngayong July 17 sa Party Pilipinas First Time sa Kapuso Network.

Mga nanakit na guro gigisahin ni Ted

Tagahubog ang mga guro ng kaisipan at pag-uugali ng mga kabataan ngunit paano kung sa halip ang mga estudyante ay turuan, ito ay kanilang sinasaktan?

Ngayong Sabado (July 16), tatalakayin ni Ted Failon ang lumalaganap na isyu ng pang-mamaltrato at pang-aabuso ng mga guro sa kanilang mga estudyante sa Failon Ngayon.

Sa Pangasinan, 14 na estudyanteng sa Grade 5 mula sa Agno Elementary School ang pormal na nagsampa ng reklamo laban sa kanilang Science teacher na si Gloria Juanitez Callejo sa diumano’y pamamalo nito ng kawayan sa likod ng kanilang mga binti dahil lamang sa maling sagot sa kanilang pagsusulit.

Nagtuturo pa rin sa kasalukuyan ang nasabing mapang-maltratong guro dahil hindi pa naa-aksiyunan ng Department of Education ang nasabing insidente. Hindi pa rin pumapasok ang mga estudyante dahil sa matinding takot at trauma.

Ganito rin ang sinapit ng mga estudyante ng Antonio Luna Elementary School sa Tondo Maynila. Si Elsie Ignacio ay inireklamo ng mga estudyante dahil sa pananakot at pagmumura sa magkapatid na estudyante nito matapos pagbintangang nag-text diumano sila sa kanya ng masasamang salita.

Itinanggi ng magkapatid ang bintang ng guro dahil hindi naman daw nila alam ang cellphone number nito. Hindi lang ito ang unang beses na nagawang manakit ng guro dahil noong nakaraang Pebrero ay nagawang sampalin ni Ignacio ang isa sa magkapatid at hindi pa nakuntento, inutusan pa ang isang kaklase na sampalin din ang kakawang bata.

Bakit sa kabila ng napakaraming isyu sangkot ang mga mapanakit na mga guro ay walang nakikitang aksyon sa ahensiya?

Mga artistang nadiskaril ang kapalaran magsasalita sa L&S

Tuwing magkakaroon ng halalan ay marami ang bumabatikos sa mga popular na artistang tumatakbo sa iba-ibang posisyon. Papogi o paporma lang ba ang mga ito?

Panauhin ngayong Sabado alas onse ng umaga sa Life and Style with Gandang Ricky Reyes ng GMA News TV ang dating miyembro ng programang That’s Entertainment ni Master Showman German Moreno si Isko Moreno. Una siyang tumakbo at naupo bilang konsehal ng Maynila at ngayo’y bise alkalde na.

Makikipagtsikahan si Vice Isko kay Mader Ricky at ipagtatanggol niya ang mga taga-showbiz na may kakayahang maglingkod sa bayan. Ilan sa kanila’y sumasabak pa rin sa telebisyon at pelikula paminsan-minsan.

May bisita ring nagwagi sa isang star serach na magbibida at kukuwento kung paano nabago ng instant success ang kanyang buhay.

Sa totoo lang, may mga nanibago at nagpasyang tumigil para bumalik sa dating tahimik na buhay. Meron namang nagsisikap pa ring sumikat dahil mabibilang mo lang sa daliri o ilan lang ang masasabing namumukod-tangi at mapa­lad na nakarating sa mataas na level sa stardom.

Ano kaya ang gagawin ng isang dating abala at sikat na artista kapag nadiskaril ang kanyang karir? Pakinggan ninyo ang isasalaysay ng sex siren na si Ynez Veneracion at machong si Leandro Baldemor.

Laging abangan ang LSWGRR na produksiyon ng ScriptoVision tuwing Sabado. 

Show comments