MANILA, Philippines - Umani ng mga papuri ang bagong serye sa hapon ng ABS-CBN na umere noong Lunes (July 11), ang Reputasyon, na pinagbibidahan ni Cristine Reyes.
Promising kasi ang kuwento ng programang bahagi ng ABS-CBN Kapamilya Gold. Umiikot ang istorya kay Agnes De Los Santos (Cristine), isang babaeng may mga simpleng pangarap. Ngunit sisirain ang kanyang buhay at reputasyon ng isang malagim na insidente.
Ayon kay Cristine,“Itataya ko po ang reputasyon ko, maganda po talaga ang kuwento nitong bagong show namin. Pinag-isipan po ng mabuti at pinaghandaan po ng aming mga writers at production team.”
Ang huling proyekto ni Cristine sa Kapamilya Network ay ang Precious Hearts Romances Presents Kristine.
Samantala, masayang-masaya si Rayver na makatambal ang kanyang girlfriend sa isa na namang teleserye. “Pakiramdam ko hindi ako nagtatrabaho kasi masaya kami sa set. Masayang-masaya ako na kasama ko si Cristine dito sa show. Bihira lang naman kasi ‘yung pagkakataon na makasama mo sa isang project ‘yung mahal mo sa buhay. At ang project na ito, maipagmamalaki namin, exciting ang magiging latag ng mga kuwento,” pahayag ni Rayver.
Kukumpletuhin naman ni Jason Abalos ang love triangle.
Magsisilbing comeback project naman ito ni Aiko Melendez na matagal-tagal namahinga sa pag-arte.
Makakasama pa ng tatlo ang ilan pang mga magagaling at beteranang mga aktor - Jaclyn Jose, Lito Pimentel, Emilio Garcia, Deborah Sun, Jill Yulo, Andre Garcia, John James Uy. Kukumpletuhin ng mga batikang direktor na sina Laurice Guillen and Celso Ad Castillo ang cast.
Xyriel Singer Na
Sumabak sa kanyang unang recording experience ang 100 Days to Heaven star na si Xyriel Manabat para bigyang boses ang bagong theme song ng nasabing palabas na pinamagatang Kuha Mo.
Matapos ang ilang rehearsals ay nakuha na agad ng magaling na child star ang tamang tono at tamang pagkakaawit ng kanta kaya naman napabilib nito ang staff ng Star Records.
Kaya abangan natin ang bagong theme song ng 100 Days to Heaven.
Protege naghahanap ng bagong superstar
Ngayong Setyembre, matutunghayan ang pinakamalaking pagsasama-sama ng 10 legendary music icons para sa pinaka-aabangang superstar search ng GMA Network, ang PROTÉGÉ: The Battle for the Big Break.
Ang singer-songwriter na si Ogie Alcasid ang magiging Journey Host of Protégé habang ang Multi-Awarded Drama Actor ng Kapuso Network na si Dingdong Dantes ang tatayong Gala Presenter ng kompetisyon.
Sa kauna-unahang pagkakataon, magkakaroon ng celebrity mentors na maghahanap ng kanilang magiging protégé sa buong bansa kabilang ang Naga, Cebu, Iloilo, Batangas, Cabanatuan, Pampanga, Davao, Dagupan, Cagayan de Oro at Manila.
Ang nationwide auditions ay magaganap sa mga sumusunod na lugar mula 10:00 a.m. hanggang 6:00 pm: SM Naga (July 15); SM Cebu (July 17); SM Iloilo (July 22); SM Batangas (July 24); NE Pacific Mall Cabanatuan (July 29); SM Pampanga (July 31); SM Davao (August 5); CSI Mall Dagupan (August 7); SM Cagayan de Oro (August 10); at SM Mall of Asia Music Hall (August 13).
Ang mga aspirant ay kinakailangang magdala ng certified true copy at photocopy ng kanilang birth certificate at dalawang photos (1 full body and 1 close-up).