Pinagkaguluhan si Quark Henares ng entertainment press nang dumating siya kahapon sa presscon ng Rakenrol, ang closing film sa 7th Cinemalaya Independent Film Festival.
Hindi nakaiwas at hindi naman umiwas si Quark sa mga reporter na nangulit tungkol sa kanyang tweet na papatayin niya si Hayden Kho, Jr. kapag niloko uli nito ang nanay niya, si Dra. Vicki Belo.
Ikinuwento ni Quark sa mga reporter na nag-apologize na siya sa kanyang ina.
Na-realize ko na naman na masuwerte si Mama Vicki sa pagkakaroon ng mga mababait at understanding na anak.
Mapalad siya dahil hindi rebelde si Quark at ang kapatid nito na si Cristalle.
Sumipot din si Cristalle sa presscon ng Rakenrol bilang suporta sa kanyang kuya na direktor.
Dalawang minuto ang hiningi ni Cristalle kay Quark para masabi niya sa entertainment press ang bagong promo ng Belo Essentials.
Madali ang mechanics ng promo, sa bawat Belo Essentials product (maliban sa 10 ml sachets), itago ang resibo at mag-log on sa www.facebook.com/beloessentials.
Make-over na worth P150,000 ang premyo na tatanggapin ng lucky contestant mula sa Belo Essentials at Belo Medical Group.
Kasama ni Quark sa presscon ang mga bida ng Rakenrol, sina Glaiza De Castro, Alwyn Uytingco, Jason Abalos at Ketchup Eusebio. Missing si Diether Ocampo na tila may ibang lakad kaya hindi nakasipot sa press launch ng Rakenrol.
Inabot nang matagal ang shooting ng Rakenrol pero sulit na sulit ito dahil maganda ang kinalabasan ng pelikula na siyempre, may kinalaman sa buhay ng mga miyembro ng banda.
Chito Roño at LT hindi agad natunugan ang awards night ng Fap
Nagkita kami ni Chito Roño sa beauty salon ni Bambbi Fuentes noong Martes at ang hindi niya pagdalo sa Luna Awards noong Linggo ang inusisa ko sa kanya.
Ang sabi ni Chito, nalaman niya ang tungkol sa Luna Awards noong Sabado.
Masyado nang late ang imbitasyon kaya hindi na niya puwedeng kanselahin ang kanyang out of town shooting noong Linggo.
Kung napaaga raw ang invite ng mga tauhan ng Film Academy of the Philippines, naayos niya ang kanyang schedule at nakadalo siya sa Luna Awards.
Hindi man personal na tinanggap ni Chito ang best director at best picture trophies ng Emir, nagpapasalamat siya sa FAP dahil sa mga karangalan na ipinagkaloob sa kanyang pelikula.
Pareho ang karanasan nina Chito at Lorna Tolentino. Late na rin nang malaman ni Lorna ang tungkol sa Luna Awards.
Nakaramdam din si LT ng panghihinayang dahil hindi siya nakadalo sa awards night ng FAP. Walang dahilan para hindi sumipot si LT dahil sinusuportahan niya ang mga event ng Actors Guild at FAP.
Thankful din si LT sa FAP dahil sa kanyang best actress trophy para sa pelikulang Sa’Yo Lamang ng Star Cinema.
Ang kaibigan ni LT na si Gina Alajar ang umakyat sa stage at tumanggap sa best actress award niya.
Annabelle Rama at Nadia Montenegro may malalim na away
Ayaw magsalita ng isang malapit kay Annabelle Rama tungkol sa napapabalita na feud nito at ni Nadia Montenegro.
Pinag-uusapan kasi sa presscon ng The Sisters ang hindi pagsipot ni Alyana. Ang tsismis, si Bisaya raw ang nag-request na alisin sa cast ang bagets dahil priority yata nito ang pag-aaral.
Kilala si Bisaya sa pagiging prangka. Knowing her, tiyak na sasagot siya kapag may nagtanong sa kanya tungkol sa alleged feud nila ni Nadia.
Tatlo sa mga anak ni Nadia ang alaga ni Annabelle at para magkaroon sila ng misunderstanding, posibleng malalim ang pinagmulan nito.