Gusto kong bigyang papuri si Laguna Gov.
ER Ejercito
na kahit hindi napili ang kanyang remake ng
Asiong Salonga
para makasama sa
Metro Manila Film Festival (MMFF) 2011
ay hindi nawalan ng loob para ipagpatuloy ang paggawa ng nasabing pelikula at maipalabas ito ng mas maaga kesa taunang pagdiriwang ng MMFF.
Sa kanyang pagiging aktibong muli sa paggawa ng pelikula, hindi lamang niya natutulungan ang patuloy na naghihingalong industriya ng ating pelikula, napapasigla pa rin niya ang career ng ilan sa mga magagaling nating artista pero walang project sa kasalukuyan tulad nina Baron Geisler, John Regala, at Phillip Salvador. Kasama ang tatlo sa ginagawa niyang Asiong Salonga.
Sa pagkuha niya kay Baron, hindi lamang siya nagkaroon ng isang magaling na kontrabida sa pelikula, makakatulong din ang actor-politician sa mabilis at complete rehabilitation ng young actor.
Kay John naman na matagal ding nabakante, makakatulong siya para maibalik ang confidence nito na siguradong nabawasan dahil nga sa matagal na hindi pagtatrabaho. Ganun din si Ipe na nagsisimula nang maging aktibong muli sa pagganap.
Samantala, sa pangalan ng Philippine Movie Press Club (PMPC), isang taos-pusong pasasalamat sa gobernador ng Laguna na sa kabila ng kanyang kaabalahan sa kanyang tungkulin sa nasasakupang probinsiya at sa walang humpay na pagsu-shooting ng Asiong Salonga remake ay nagawa pa rin niyang i-treat ang grupo ng mga entertainment writers o movie writers sa isang dalawang araw na bakasyon sa Lake Caliraya Resort sa Cavite, Laguna. Of course, hindi niya ito magagawa kung walang suporta ang kanyang PR group na pinamumunuan ng kapatid na Jobert Sucaldito na siyang nag-asikaso sa grupo habang abala pa ang gobernador.
Ang ganda sa Caliraya Resort na merong manmade lagoon, swimming pool, spa, jacuzzi, air-conditioned rooms, and function rooms na kung saan idinaos ng PMPC ang kanilang mga inihandang activities. Nag-donate pa ng sarili nilang pera sina Jobert at Lito Alejandria, ng Klownz at Zirkoh, para gawing mas masaya ang mga pakontes. Inasikaso rin kami nina Ernie Enrile at Richard Pinlac na kasama sa grupo ni Jobert.
Magandang mamasyal sa nasabing resort na sa kabila ng malakas na pag-ulan sa Kamaynilaan ay sinikatan din ng araw. Nagawa rin naming magtampisaw sa lake at mamingwit ng malalaking carp. Ang gaganda ng halaman sa loob ng resort. I was tempted to pick a plant or two pero hindi ko itinuloy at baka mahuli pa ako. Sabi ko pagdating ng gobernador ay hihingi ako ng permiso pero hindi ko na nahintay pa si Gob. I had to leave ahead of the other PMPC members dahil hahabol pa ako sa birthday ng apo kong si Fonzy na nakatira sa Cabuyao, Laguna.
Again, thank you Gob. ER and Mayora Maita Ejercito. Salamat din Jobert at sa mga kasamahan for the effort to give 35 PMPC members a truly wonderful vacation.
Gabby handa na sa father role sa Kapatid
Hindi na pala Kapamilya si Gabby Concepcion. Isa na pala siyang Kapatid at mina-manage ang career ngayon ng Viva. For his first project kasama siya sa remake ng P.S. I Love You, isang hit film nila noon ni Sharon Cuneta.
Father role ang gagampanan niya bilang ama ni AJ Muhlach, isa sa tatlong bagets na ilulunsad sa pelikula. Ang dalawa pa ay sina Aki Torio at Josh Padilla.
Heart at Marian walang napala sa away
Away nang away pa sina Marian Rivera at Heart Evangelista eh hindi naman sila ang nag-shine sa pelikula ng Regal Entertainment, Inc. na Temptation Island kundi sina Lovi Poe at Rufa Mae Quinto. Wala kayang nararamdamang panghihinayang si Heart who was supposed to play Lovi’s original role pero nakipagpalit siya ng role dahil hindi niya kaya ang pagpapaseksi? Pero baka naman kahit hindi nakipagpalit si Heart ng role ay hindi pa rin niya makayang dalhin ang sexiness na ginawa ni Lovi sa pelikula.
Napatunayan din ni Rufa Mae sa pelikula na in the running pa rin siya. Akala ng marami ay masasapawan na siya ng mga mas nakakabatang aktres, hindi lamang sa pagpapaseksi kundi maging sa pag-arte, pero nagkamali sila. Na-assert ni Rufa Mae ang kanyang seniority bilang aktres at bilang isang seksing babae.