MANILA, Philippines - Tuluy-tuloy ang pagpapakita ng galing ng Pinoy dahil muling hahalughugin ng ABS-CBN ang bansa para hanapin ang pinakanatatanging acts na maglalaban-laban sa ikatlong edisyon ng Pilipinas Got Talent.
Mahigit 40 probinsiya mula Luzon, Visayas, hanggang Mindanao ang sinuyod ng PGT team kung saan libu-libo ang nag-audition. Sinadya talagang puntahan ng programa ang mga hindi pa napupuntahang lugar sa bansa para maghanap ng talento.
Nagbunga naman ang kanilang paghahanap dahil maraming acts ang hindi lang nagpabilib, kung hindi mas nangabog, mas nagpatawa, at mas umantig pa sa puso ng mga host at mga hurado.
Ngayon pa lang excited na ang Big Three judges at ipinahayag ang kanilang saloobin sa back-to-back airing na ito ng nangungunang talent-reality show sa bansa.
“PGT went the extra mile in Season 2 kasi marami tayong pinuntahan. In Season 3, triple pa ‘yung lugar kung saan tayo nag-scout ng talent. ‘Yun ‘yung inaasahan ko sa Season 3 na kahit saang sulok ng Pilipinas we’ve got talent,” sabi ng Queen of all Media na si Kris Aquino.
“I am happy with the outcome of Season 2 as we really found somebody who is really amazing in the person of Marcelito. In Season 3, I hope our grand winners will give inspiration to people who’s got talent to come forward and really show what they can do for our country,” sabi naman ng tinaguriang ‘the expert’ na si Freddie M. Garcia.
Payo naman ang ipinahayag ng Comedy Concert Queen at huradong si Ai Ai Delas Alas.
“Galingan ninyo kasi kung hindi n’yo gagalingan, lalamunin kayo ng ibang napakahusay na contestants ng PGT 3. Agaw buhay dapat at lahat ng ugat sa katawan n’yo buhayin niyo,” sabi niya.
Ito ang pinakaunang pagkakataon saan man sa mundo na dalawang magkasunod na edisyon ng Got Talent franchise ang eere sa telebisyon.
Sino kaya ang magwawagi sa edisyong ito at magkakamit ng P2 milyon?
Huwag palalampasin tuwing Sabado, 9:00 p.m., at Linggo, 8:30 p.m., kasama sina Luis Manzano at Billy Crawford bilang hosts, sa ABS-CBN.