MANILA, Philippines - Ayon sa World Health Organization, may higit sa tatlong milyong bata ang sobra sa timbang o overweight at obese sa Pilipinas.
Iba na raw kasi ang takbo ng buhay ng mga kabataan ngayon. Bukod sa madalas na pagkain sa junk food na walang sustansiya, hindi na rin daw aktibo ang mga ito pagdating sa ehersisyo at iba pang uri ng laro.
Naniniwala si ABS-CBN news anchor Bernadette Sembrano na bukod sa kabusugan ay mahalaga rin ang kalusugan ng mga bata. Kung kaya ngayong Huwebes (Hulyo 7) sa Krusada, ipapakita ni Bernadette ang dahilan at solusyon sa sobrang katabaan o obesity.
Samahan siya sa pagkilala kay John Azzryl, isang apat na taong gulang na bata na kasing-timbang na ng isang pitong taong gulang na bata. Alamin din ang kampanyang OMG: Oh My Gulay, na nagsusulong sa tamang nutrisyon lalo na para sa mga batang nasa elementarya na masasaklawan nito.
Layunin nitong maiparating sa lahat ang kahalagahan ng pagkain ng gulay. Sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga kalabasa, sitaw, patola, talong, kamatis, ampalaya, at iba pa, nabibigyan ng sapat at tamang nutrisyon ang mga bata.