Nakabalik na sa trabaho si Direk Ricky Rivero sa Mula sa Puso matapos ang malagim na insidente na kanyang dinanas. Isang larawan ng pagbangon at katatagan ang nakikita sa kanya ngayon, ayon sa malapit nitong kaibigan na si Direk Wenn Deramas.
“Mas naiintindihan niya ’yung meaning ng buhay. Kapag sinasabi ko sa kanyang magsimba ka, ‘Direk nagsisimba ako,’ ginaganun niya ako. After ng nangyari kay Ricky, ito ang turning point sa kanya para magbalik-loob. Lagi ko siyang nariringgan ngayon, pagpapasalamat at papuri sa Diyos dahil sa pangalawang chance ng buhay niya at malungkot dahil kailangang mangyari sa kanya ito.
“Ang importante, i-treasure mo ’yung pangalawang buhay kasi huwag kang umasa na may pangatlo. So, matuto tayo,” pahayag ni Direk Wenn.
Ikinagulat ng kanilang kampo nang nakapag-piyansa at pansamantalang nakalaya ang suspek na si Hans Ivan Ruiz. “Dalawang klase ang pagkakulong, ’yung nakakulong sa rehas na bakal na alam mong pagbabayaran ’yung mga nagawa mong kasalanan at saka ’yung kulong ng kunsyensiya. Sana hindi man siya nakulong sa rehas na bakal, ’yung kulong ng kunsyensiya, siya makapagsasabi noon,” seryosong pagtatapos ni Direk Wenn.
Sa mga susunod na araw ay nakatakdang ituloy ang arraignment ng kaso nina Direk Ricky at Hans.
PGT2 winner nabuo ang pamilya
Masayang-masaya ang Pilipinas Got Talent season 2 grand winner na si Marcelito Pomoy dahil naiba na ang takbo ng buhay niya ngayon.
“Marami pong nagpapa-picture, marami pong nagpapa-autograph, iba kesa dati talaga, parang wala lang kung sino ka,” nakangiting pahayag ni Marcelito.
Ang isa pang bagay na ikinatuwa ng singer ay ang muling pagkakabuo ng kanyang pamilya ngayon. Bata pa lamang si Marcelito nang iwan ng kanyang ina habang nabilanggo at nagkasakit naman ang kanyang ama. Lumaki siyang hindi kasama ang mga kapatid dahil kinupkop ang mga ito ng magkaibang mga pamilya.
“Blessing nga ng Panginoon sa akin ’yun eh. Iyon nga ’yung pinagdasal ko sa Panginoon talaga na sana ito ’yung way na sana magkakasama man lang. Ito ’yung pangarap ko na sana ’di man ako palarin parang panalo na rin ako kasi nakita ko na silang lahat,” kuwento ni Marcelito.
Labis din ang kaligayahan na nararamdaman ng magulang niya ngayong magkakasama na sila. “Masaya kami kasi nabuo na rin silang magkakapatid. Nagkita-kita na rin sila lahat at ’yung pangarap nila na magkasama-sama ay nangyari na,” pahayag ng ama ni Marcelito na si Tatay Mario.
Ano kaya ang gagawin ni Marcelito sa dalawang milyong piso na kanyang napanalunan? “Bibili ako ng bahay at lupa. Tutulungan ko rin ’yung mga kapatid ko, saka mother ko, pamilya ko,” dagdag pa ni Marcelito.
Samantala, maging ang PGT season 1 grand winner na si Jovit Baldivino ay masaya sa sinapit ni Marcelito. “Natutuwa po ako at masayang-masaya po ako at may bago na naman pong hahangaan ang mga kababayan natin lalung-lalo na po ’yung mga kabataan,” pahayag ni Jovit.
Reports from JAMES C. CANTOS