Sa totoo lang, naaawa ako kay Andi Eigenmann, kahit alam ko na malalampasan niya ang mga problema at intriga tungkol sa kanyang pagbubuntis.
Hindi pa halata ang tiyan ni Andi pero kapag pinapanood ko siya sa Minsan Lang Kita Iibigin, halata na may pinagdaraanan siya.
Masuwerte lang si Andi dahil buung-buo ang suporta sa kanya ng pamilya niya. Nakakatiyak siya na hindi magpapabaya ang kanyang nanay na si Jaclyn Jose.
Magsisilang si Andi bago mag-Pasko at birthday niya noong June 25 kaya parang ang pagkakaroon ng anak ang Christmas gift na kanyang matatanggap.
Paolo at Benjie hindi package deal
Dalawa sa mga alaga ko ang kasali sa Futbolilits, sina Paolo Contis at Benjie Paras.
Nakita ko na ang billboard ng Futbolilits sa EDSA pero hindi ko napansin kung kasama si Benjie.
Hindi totoo na package deal ang dalawang aktor. Nagkataon lang na madalas ang pagsasama nila sa mga shows ng GMA 7 at parehong very close ang dalawa kay Congressman Manny Pacquiao. Binibiro ko nga sina Paolo at Benjie na sila ang mga bagong Hawi Boys.
Malakas ang kutob ko na magiging hit ang Futbolilits dahil pambata ito at ang football ang bagong laro na kinababaliwan ng mga Pilipino ngayon.
Dahil sa Futbolilits, hindi ako magugulat kung lalong madadagdagan ang interes ng mga Pinoy sa football.
Ginagaya ng mga bata ang mga napapanood nila sa TV kaya sure ako na pag-aaralan nila ang paglalaro ng football, tulad nang ginagawa ng mga child stars na bida sa Futbolilits.
Anak ni Dinah Dominguez minaltrato sa golf club?
Nasa kalagitnaan ako ng pakikipag-meeting kahapon sa Annabel’s restaurant nang biglang lumapit at bumati sa akin si Dinah Dominguez.
May presscon si Dinah para sa reklamo niya laban sa manager ng Tagaytay Highlands Golf Club.
Ang say ni Dinah, biktima ng pang-aabuso ang kanyang anak na may Attention Deficit Hyperactivity Disorder.
Humingi ng tulong si Dinah sa media para ipaalam sa lahat ang pagmamaltrato na natanggap niya at ng kanyang anak mula sa manager at security personnel ng nasabing golf club. Nangako si Dinah na hindi siya hihinto hanggang hindi magkaroon ng hustisya ang traumatic experience nila ng kanyang anak.
Panata ni Pinky sa matatanda
Ang aking bestfriend na si Pinky Tobiano ang ka-meeting ko kahapon sa Annabel’s. Nagkita kami ni Pinky dahil pinag-usapan namin ang pagpunta sa Golden Acres, ang home for the aged sa Tanay, Rizal na tinutulungan niya.
Birthday ni Pinky sa July 11 at every year, panata niya ang dalawin at magbigay ng tulong sa mga matatanda sa Golden Acres.
Nag-promise ako kay Pinky na sasama ako sa kanya at tuwang-tuwa siya. Ibinigay ko na kahapon sa kanya ang mga pagkain at sabon na donasyon ko para sa charitable institution na tinutulungan niya.