Masaya ’yung appreciation dinner na ibinigay ng matriarka ng Regal Entertainment, Inc. sa mga bumubuo ng Philippine Movie Press Club (PMPC) na nagkaloob sa kanya ng special award sa katatapos na 27th Star Awards for Movies bilang Natatanging Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera.
“I will treasure this award as a precious gift. The award more than proves na marami akong kaibigan sa movie press at nakikita nila’t naa-appreciate ang mga ginagawa ko para sa movie industry. I am also looking for more producers who will make films and provide work for more people,” sabi ng masipag na producer who has entrusted the bulk of her work sa Regal sa kanyang anak na si Roselle Monteverde-Teo na incidentally ay isa nang consultant ng Philippine Long Distance Telephone (PLDT) ngayon.
Nakatakda nang mapanood ang kanyang remake ng isang classic film na dinirek nung una ni Joey Gosiengfiao, ang Temptation Island at nasa direksiyon naman ngayon ni Chris Martinez.
Samantala, naniniwala si Mother Lily na hindi naman mawawala sa industriya si Andi Eigenmann na inamin ng kanyang inang si Jaclyn Jose na nasa ika-apat at kalahating buwan na ng kanyang pagdadalang tao. Naabsuwelto ang pinaghihinalaang ama nang dinadala ng batang aktres na anak ng isang dating pangulo ng bansa na si Erap. Nabalik ang pansin sa dating boyfriend ng aktres na hindi naman pipilitin ng pamilya na kilalanin at tanggapin ang ipinagbubuntis ni Andi.
“She’s a good actress and we always have room for talents. Makakabalik pa si Andi, sagutin lamang niya ang problema niya ngayon,” dagdag pa ng lady producer.
Pacman magpo-promote ng tela
Hataw din sa local scene si Manny Pacquiao bilang endorser. Hindi lang sa international scene.
Bukod sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kinuha rin ng Department of Trade and Industry (DTI) si Manny bilang garment ambassador.
Pupunta siya ng Amerika kasama ang ating mga trade attaches para suportahan ang pagpasa ng isang bill dun na naglalayong palaganapin ang ating industriya ng tela.