PIK : Successful ang ginanap na Sangyaw Festival sa Tacloban City kamakalawa lang, sa ilalim nang pangangasiwa ni Mayor Alfred Romualdez at ng magandang maybahay niyang si Konsehal Cristina Gonzales-Romualdez.
Pero naging maintriga ito dahil nagkaroon ng conflict sa ilang political leaders na ‘di ka partido ni Mayor Romualdez. Nagkaroon sila ng Pintados Festival na nagkagulo pa nung nagparada sila dahil hindi naman nila sinunod ang hininging permit mula sa Mayor’s office.
Ang gusto lang naman ni Mayor Romualdez ay pag-isahin na lang sana ito dahil magandang ipinapakitang nagkakaisa sila para mai-promote ang Tacloban at ang buong Eastern Visayas.
“Sana ipakita natin na all political leaders, we can unite at least one day and to put aside our differences,” seryosong pahayag ni Mayor Romualdez.
Star-studded ang naturang event na kung saan sumali rin sa parade ang mga Kapuso stars na pinangunahan ni Richard Gutierrez kasama ang ilang cast ng Captain Barbell na sina Jillian Ward, Michelle Madrigal, TJ Trinidad at Ervic Vijandre.
Nagkaroon pa sila ng mall show sa Robinson’s Place at sumali pa sina Ogie Alcasid at Kyla.
PAK : Doon pa rin sa Sangyaw Festival sa Tacloban, napag-usapan na rin namin ni Ogie ang tungkol sa pagbubuntis ni Regine Velasquez.
Marami raw ang nagsasabing girl ang ipinagbubuntis nito pero naka-kundisyon pa rin daw sa kanya na boy ito.
Every Friday daw ang check-up nila pero hindi pa rin daw nagpapakita ng gender nito kaya excited na rin sila.
Hindi naman daw isyu kay Ogie kung boy o girl ang magiging baby nila ni Regine.
Kung sakaling girl ito, at least may Tres Marias na raw siya.
Kung boy daw ito, pinag-iisipan niyang hindi Hermino Jr. ang ipapangalan dahil baka hindi na raw uso sa panahon ng kanyang anak ang ganung pangalan.
“Baka isumpa ako niyan na ganun ang pangalan niya. Baka may isama lang siguro kami na isa pang pangalan para maiba lang ito,” natatawang sagot ni Ogie.
BOOM: Menor de edad pa lang daw itong itinuturong nakabuntis kay Andi Eigenmann.
Ayaw ni Jaclyn Jose na makita pa ang lalaking ito dahil kakayanin naman daw nilang harapin itong pinagdaanan ng young actress.
Naalala naming menor de edad din si Jolo Revilla nang nabuntis nito si Grace Adriano na underage din.
Hinarap ito ni Jolo at malaking pagbabago sa kanya nang nagkaroon na ito ng baby.
Pero may iba pa kaming naririnig tungkol sa lalaking nakabuntis kay Andi pero pawang haka-haka lamang iyon kaya mabuting huwag na lang isulat.
Sabi nga ni Jaclyn, huwag na lang daw sanang husgahan ang kanyang anak.