MANILA, Philippines - May kilala ba kayong bata pa lang ay may ipinamamalas nang kagalingan kundi sa kapwa bulilit ay sa buong komunidad na? ’Yun bang little Pinoy hero na ang dating? Puwes, irekomenda ang bata, pito hanggang dose anyos, para maging nominado sa Tang Galing Mo Kid! The Search For Tang Galing Kids!
Naniniwala kasi ang leading powdered juice brand sa kakayahan ng kabataan kahit musmos pa sila. Isinagawa nila ang ganitong proyekto bilang pagkilala sa kagalingan ng isang bata, anuman ang kalagayan nito sa buhay na nagsisilbing inspirasyon para sa iba. Sabi nga ng kumpanya, “refreshing change” ang mga bata. Kauna-unahan itong kid search para sa Tang. Ano naman ang posibleng kayang gawin ng isang bulinggit? Aba, huwag nating maliitin dahil ang ilan sa kanila ay nagtititser-titseran na sa kapwa bata o kaya’y pasimuno sa pagkolekta ng mga damit at laruan para maipamigay sa iba.
Gaya nga ng sabi ng Studio 23 anchorwoman na si Ria Tanjuatco-Trillo na nagsilbing host sa launching, “We are celebrating greatness here, big or small.” Kaya ipinakilala rin niya ang galing ng kanyang baby girl, si Rocio, na naging katuwang niya bilang co-host.
May pitong partner organization ang ipinakilala sa launching ng Tang Galing Mo Kid! na ginanap sa Filipinas Heritage Library, Makati City noong Huwebes. Ito ay ang mga non-government organizations na Balikatan Movement, Girl Scouts of the Philippines, Verlanie Foundation, Alay Kapwa, M.Y. Rights, Dynamic Team, at Concordia Children Services. Sa kanila manggagaling ang ilang rekomendasyon para maisumite ang nominasyon ng batang isasali. Pero maaari pa ring magpadala ng entry form kahit nasa ibang organisasyon. Hanggang Aug. 6 na lang hihintayin ang mga entry forms na maaaring i-download sa www.tang-agents.com. Sa nasabing website na rin makikita ang iba pang detalye sa pagsali.
Pitong Tang Galing Kids ang pararangalan sa Aug. 23. Bawat isa ay makakatanggap ng P100,000 na maaaring gamitin para sa proyektong gustong isakatuparan ng bata. Magkakamit din ng parehong halaga ang organisasyon na nagrekomenda sa mananalong bata.