MANILA, Philippines - Ipinagmamalaki ng Dulaang UP ang pinakabago nilang stage play na makikilala si Dr. Jose P. Rizal sa kakaibang pagkatao nito na wala sa textbook o mga obra maestra niya. Tulad din natin, nagmahal, tumawa, at namuhay ng normal na tao ang Pambansang Bayani.
Sa ika-36 na theater season, espesyal na handog ng Dulaang UP ang pagdiriwang din ng ika-150 taon ni Dr. Rizal sa pagtatanghal ng Rizal X. Ipakikilala sa bagong henerasyon ang national hero sa pamamagitan ng mixed media tulad ng video at modern music. Pero sasamahan din ito ng tradisyonal na tula, kanta, monologue, at mga eksenang sa teatro lamang napapanood.
Ayon nga sa actress-TV host na si Bea Garcia, “Rizal X speaks a language that all of us — the young and the not so young — can understand and relate to.”
Sabi naman ng aktor na si Reuben Uy, “Rizal X hopes to inspire its audience that all of us can be Rizal in our own little way.”
Ang iba pang nasa cast ay sina Reb Atadero, Natasha Cabrera, Red Concepcion, Jules dela Paz, Alchris Galura, Jean Judith, Yanah Laurel, Maita Ponce, at ang Dulaang UP Ensemble.
Ipakikita rin dito ang mga likhang musika nina Dong Abay (dating bokalista ng Yano at Pan), JM de Guzman, Floy Quintos, at marami pang iba na kabilang sa artistic team, musical arrangement, scenic at lighting design, costume, technical, photography, at poster.
Mapapanood ang Rizal X sa entablado ng Wilfrido Ma. Guerrero Theater, 2nd Floor Palma Hall, sa UP Diliman, Quezon City, mula July 20 hanggang Aug. 14, Miyerkules hanggang Biyernes sa ganap na alas-siyete ng gabi. Kung Sabado at Linggo naman ay may 10 a.m. at 3 p.m. na pagtatanghal.
Para sa tiket, tawagan ang Dulaang UP Office sa 926-1349, 981-8500 loc. 2449, at 433-7840 o kaya ay i-text si Cherry sa 0917-7500107.