ABS-CBN wagi ng International Gold Quill para sa Boto Mo, Ipatrol Mo

MANILA, Philippines - Panalo ng isa na namang International Gold Quill award ang ABS-CBN Corporation para sa elec­tion campaign nitong Boto Mo, iPatrol Mo na siyang unang nagbalita nang naganap na Ma­guin­danao Massacre, tumulong sa pagtaas ng bilang ng mga bagong botante noong 2010 halalan, at nakahi­mok sa mga mamamayan na isulong ang pagbabago.

Sa pamamagitan ng BMPM kung kaya pinakaunang nag-ulat ang ANC o ABS-CBN News Channel sa naganap sa Maguindanao at nalaman ng buong mundo ang tinaguriang pinakanakakagimbal na karahasang ginawa sa mga mamamahayag ng isang Boto Patroller ang nagpadala sa ABS-CBN ng pinakaunang larawan mula mismo sa crime scene.

Ipinamalas ng naturang Boto Patroller kung anong tunay na diwa ng BMPM at iyon ay ang pagsisi­mula ng pagbabago ng mga ordinaryong Pilipino sa pama­magitan ng pagbubunyag sa publiko ng riyalidad sa kani-kanilang lipunan nang sa gayun may gawin ang pamahalaan tungkol dito.

Inilunsad ng ABS-CBN ang Boto Mo, iPatrol Mo isang taon bago isagawa ang 2010 national elections at ipinakilala sa bansa ang konsepto ng citizen journalism kung saan binigyan ng kapangyarihan ang mga mamamayan na i-patrol ang kanilang mga boto gamit ang makabagong teknolohiya at humamon sa kanila na simulan ang pagbabago sa bansa.

ABS-CBN lamang ang tanging Philippine broadcasting network na pinarangalan ng prestihiyosong International Association of Business Communicators (IABC) ng International Gold Quill para sa kampanya at coverage nito noong eleksiyon ng BMPM na nagkamit na rin ng parangal noong 2010 mula sa Philippine Quill Awards at Anvil Awards. Iginawad ang parangal sa isinagawang IABC World Conference sa San Diego, California.

Nakatamo ang naturang multiplatform campaign ng 500 na ulat, suhestiyon, at sumbong sa isang araw sa pamamagitan ng e-mail, 100 na mga tawag, at 3,058 naman na text messages noong kasagsagan ng halalan. Mas dumagsa ito noong araw mismo ng halalan kung saan apat na mensahe kada minuto ang ipinapadala sa BMPM.

Noong kasagsagan din ng kampanya noong nakaraang taon, ang BMPM ay nakapagtala ng 87,419 nagpalistang Boto Patrollers, 125,487 fans sa Facebook, 23,111 followers sa Twitter, 6,960 miyembro sa microsite nito, at 3,701 miyembro naman sa Multiply.

Nagsagawa rin ito ng vice-presidential at senatorial debates na siyang unang gumamit ng Wireless Audience Response System (WARS) na agad susukat sa pulso ng mga piling mamamayan kung sang-ayon o hindi sila sa mga sinasabi ng mga nagdedebateng kandidato. Naging usap-usapan ito sa publiko kung kaya’t nag-trend pa ito sa social networking site na Twitter.

Base sa survey ng Pulse Asia noong 2010, 72% ng mga Pilipino ang nagsabing kapani-paniwala ang isinagawang coverage ng network sa eleksiyon.

Sa national TV ratings noong mismong araw ng halalan base sa datos ng Kantar Media/TNS nanguna ang Kapamilya Network.

Pumalo ang longest running newscast sa bansa na TV Patrol World noong araw na iyon sa rating na 31.5%. 

Show comments