MANILA, Philippines - Kasal ang pinakamahalaga sa dalawang nagmamahalan pero paano kapag ang bride ay may dalawang groom? Sino ang pipiliin? Ang lalaking ipinagkasundo sa ’yo o ang lalaking nagpapanggap na kasal sa ’yo?
Subaybayan ang masaya at nakakakilig na kuwento ni Mary sa pinakabagong Koreanovelang Marry Me Mary na nagsimula na kahapon sa ABS-CBN.
Ang Marry Me Mary ay isa sa pinaka-inaabangang Korean series sa bansa na kinatatampukan ng tinaguriang Geun-Geun couple na sina Moon Geun Young at Jang Geun Suk.
Dahil sa kakapusan sa pera, naisip ng ama ni Mary (Moon Geun Young) na ipagkasundo siya kay Justin (Kim Jae Wook), anak ng kanyang mayamang kaibigan. Hindi man kilala ni Justin ang dalaga ay pumayag ito sa alok nila sa pangakong bibigyan siya ng pondo ng kanyang ama sa proyektong ipo-produce niya.
Nang malaman ito ni Mary ay agad itong nag-isip ng paraan para makontra ang plano ng tatay niya kaya nagmakaawa siya sa kaibigang si Michael (Jang Geun Suk), isang bokalistang walang masyadong pakialam sa mundo kung hindi ang gumawa ng musika, na magpanggap na kasal sa kanya.
Sa kabila nito, inirehistro pa rin ng ama ni Mary ang kanyang anak at si Justin bilang mag-asawa kaya naman para makapili si Mary ng tunay na pakakasalan niya, nakipag-deal ang mayamang producer na sa loob ng 100 days ay hahatiin ni Mary ang mga araw para magkasama silang dalawa ni Michael.
Ano ang mangyayari sa loob ng 100 days? Paano babaguhin ni Mary ang buhay nina Justin at Michael? Mas gugustuhin kaya niya ang perfect guy o ang rocker na perfect sa puso niya?
Huwag palalampasin ang Marry Me Mary, Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng Frijolito sa ABS-CBN.