Walang hindi gagawin si Robin Padilla para mapangatawanan ang pagiging asawa niya kay Mariel Rodriguez. Hindi lamang siya maasikaso sa mga pangangailangang personal ng asawa kundi maging sa spiritual need nito, tulad ng pagsisimba. Sinasamahan niya si Mariel sa pagsisimba nito. At sa panahong ito na usung-usong isermon ng mga pari ang pagtutol ng simbahan sa RH Bill, na ang isa sa ipinagbabawal ay ang paggamit ng contraceptives o paraan para hindi mabuntis ang isang babae, tahimik lamang si Binoe kahit alam niyang natatamaan siya dahilan sa pagi-endorso niya ng condom.
Bianca, pasadong bida!
Napanood ko ang Sinner or Saint nung Linggo ng umaga at kung dati’y may reservations pa ako sa pagbibida ni Bianca King dahil buo na sa loob ko na mas bagay sa kanya ang maging kontrabida, sa napanood kong performance niya, nakita kong okay pala siya, puwede nang ihanay sa mga bidang babae ng network. At hindi rin siya pahuhuli pagdating sa aktingan. Napanday na ng maraming taon ng pagiging artista ang kanyang pagganap, nakakaya na niyang kunin ang emosyon ng manonood to her advantage. Ewan ko kung dahil lang ba sa mahusay na actor din si Dennis Trillo o talagang magaling na si Bianca pero nagagawa nilang papaniwalain ang mga manonood sa kanilang tila walang kapupuntahang relasyon.
Magaling din ang mga gumaganap na pamilya ni Bianca, talagang nakakainis sa kanilang mga roles sina Dexter Doria at ang gumaganap na asawa niya’t anak.
Kris, Aiai, AT FMG mahihirapan sa PGT grand finals
Lumampas pa sa 12 ang bilang ng mga maglalaban-laban para sa grand finals ng Pilipinas Got Talent na magaganap sa June 25 (Performance Night) at June 26 (Results Night) sa The Big Dome. Nung isang taon nanalo si Jovit Baldivino, sabihin mang magagaling ang mga nakalaban niya pero hindi kasing galing ng mga napiling grand finalists sa taong ito. Maging ang wild card winner na isang magician ay hindi maaring isantabi dahil mahusay siya, kahit itanong n’yo pa kay Ala Kim, ang magician ng season 1 na hindi man nanalo pero nagkapangalan at napasikat ng PGT.
Magaling din ‘yung naghuhula-hoop na nakababatang kapatid pala ng Velasco Brothers. Bukod sa kanyang pambihirang talento, maganda rin siya, puwedeng maging isang Kapamilya artist. Pero bibigyan siya ng magandang laban ng magkapatid na bumabanat ng tap dancing, ang Happy Feet, ng magkaibigang Niel at Beth na nasa pagitan ng kanilang pamamahinga makatapos maka-graduate sa kolehiyo at bakasyon. Andiyan pa rin ang Madrigal Siblings na napag-iisa ng maganda ang tatlo nilang boses, ang bandang Skeights na from their original skating prowess has branched out into a fine musical group at ang ilang grupo ng mga dancers na walang itulak-kabigin sa kanilang istilo ng pagsasayaw at precision dancing.
Sasakit at sasakit ang ulo nina Freddie M. Garcia, AiAi delas Alas, at Kris Aquino sa gagawin nilang pagpili, kahit pa may tulong na magmumula sa mga texters. Mas mahihirapan nga sila dahil kailangang mabalanse nila ang popular votes at talents ng mga grand finalists to come up with the real winner.
Nais ko palang papurihan sina Luis Manzano at Billy Crawford sa kanilang napakahusay na paghu-host ng PGT. Ang ganda at ang galing ng tandem nila. Pramis!