Nakakaloka ang mga natanggap ko na e-mail mula sa mga nagagalit na fans ni Marian Rivera.
May apela ang fans ni Marian na huwag nang ituloy ng GMA 7 ang project na pagtatambalan nina Dingdong Dantes at Heart Evangelista.
Ito yata ang epekto ng sinasabing feud nina Marian at Heart na nagsimula sa set ng Temptation Island.
Hindi lang yata ako ang pinadalhan ng e-mail ng mga naiimbyernang fans ni Marian. Hindi raw sila papayag na si Heart ang makapareha ni Dingdong sa next primetime show nito.
Mag-asawang taga-Cebu nenegosyo ang tatlong anak
Kadiri ang mag-asawa na ginamit ang kanilang tatlong anak na babae para magkaroon ng datung.
Dapat makulong ang mga magulang ng mga bagets na may edad na tatlo hanggang labing-isa.
Operator ng cybersex ang mag-asawa at ang kanilang mga inosenteng anak ang pinasasayaw nila ng hubo’t hubad sa harap ng computer camera at pinapanood ng mga pedophile na nasa ibang bansa.
Sumasayaw ang mga bagets mula alas-singko ng madaling-araw hanggang alas-otso ng umaga dahil gabi naman sa bansa na kinaroroonan ng kanilang mga kostumer.
Taga-Cebu ang mag-asawa na walang konsensiya na nangatuwiran na wala silang pera kaya ang mga inosenteng anak ang kanilang kinakalakal.
Kung ako ang tatanungin, dapat na makulong forever ang mag-asawa dahil puwede pa nilang ulitin ang kanilang mga kasalanan. Kawaawa ang mga inosenteng anak na walang kamalay-malay na biktima sila ng sariling magulang na dapat na magtatanggol at mag-aalaga sa kanila.
Amy hindi dapat biglain ang sarili
Nag-report na si Amy Austria sa set ng Minsan Lang Kita Iibigin noong Miyerkules. Nag-taping siya sa isang presinto sa Commonwealth Avenue na malapit lang sa bahay nila ng kanyang mister na si Duke Ventura.
Pinayagan si Amy ng kanyang mga doktor na magtrabaho pero hindi niya dapat biglain ang sarili dahil sa operasyon na pinanggalingan.
Matagal na hindi napanood si Amy sa Minsan Lang Kita Iibigin dahil tumagal ng isang buwan ang confinement niya sa ospital.
AiAi may pangako tuwing Pasko
Kung tama ang pagkakaintindi ko, ngayong hapon ang announcement ng mga pelikula na official entry sa 2011 Metro Manila Film Festival.
Tiyak na kasali ang book 2 ng Ang Panday nina Bong Revilla, Jr. at Marian Rivera, ang biopic ni General Emilio Aguinaldo na pinagbibidahan ni Laguna Governor ER Ejercito, ang pelikula ng Regal Films na may kinalaman uli sa kuwento ng mga Chinese at ang unang movie team up nina Vic Sotto at AiAi delas Alas na wala pang title.
Hindi pa kasi nakakaisip ng pamagat si Vic para sa pelikula nila ni AiAi na tuwang-tuwa dahil may entry uli siya sa MMFF.
Nasanay si AiAi na may pelikula na kasali sa MMFF. Ipinangako niya sa sarili na every year, kailangang may filmfest entry siya para mapaligaya niya tuwing Kapaskuhan ang ating mga kababayan.
Masipag na masipag ang mga organizer ng MMFF dahil sa kagustuhan nila na maging successful ang kanilang proyekto.
Si Papa Jesse Ejercito ang in charge sa MMFF at iba talaga kapag taga-industriya ang nagpapatakbo sa malaking event ng movie industry ng ating bansa.