Suspek: Ka-FB, Ricky Rivero nadala ang sarili sa hospital kahit may 17 na saksak

Nagtaka ang mga tao sa St. Luke’s Medical Center nang makita nila na naroroon kahapon si Phillip Salvador.

Understandable ang pagpunta ni Ipe sa ospital dahil dinalaw niya si Ricky Rivero, ang actor-director na sinaksak kahapon ng isang bagets na consistent sa pagde-deny na inosente siya sa krimen.

Dumalaw si Ipe kay Ricky dahil magkamag-anak sila. Pamangkin niya ito na Salvador ang middle name.

Ang sabi ng mga reporters na nag-cover sa kaso, maayos na ang kalagayan ni Ricky na nagtamo ng maraming saksak sa katawan.

Pareho ng kapalaran sina Ricky at Pilar Pilapil dahil kapwa sila nakaligtas sa kanilang traumatic experience.

Bagets na bagets pa ang suspect sa pananaksak dahil 22 years old pa lamang siya.

Ang sabi ng bagets, hindi niya alam kung sino ang sumaksak kay Ricky. Nagising na lamang siya na may mga saksak sa katawan ang actor-director.

Hindi pinaniwalaan ng mga pulis ang alibi ng bagets na Hans Ivan Ruiz ang name. Napakababaw ng kanyang katuwiran dahil buhay na buhay si Ricky at ito ang makapagpapatunay na si Hans ang nagtangka sa buhay niya.

Amateur ang impression ng mga pulis sa suspect dahil kung talagang sanay siya na pumatay, tiyak na hindi na mabubuhay pa si Ricky na naka­kabilib dahil nakuha pa nito na magmaneho ng sasakyan at dalhin ang sarili sa ospital.

Lesson sa lahat ang nangyari kay Ricky. Huwag basta magtitiwala sa mga tao na bago n’yo pa lamang kakilala. Maging maingat din sa pakikipagkaibigan.

Ang sabi nga ni Inday Badiday, mag-ingat sa mga tao na hindi ninyo kilala pero mas mag-ingat sa mga tao na kilala n’yo na.

Nagkakilala lamang pala sina Ricky at ang suspect sa Facebook. Nagtiwala agad si Ricky dahil pumayag siya na matulog ang suspect sa kanyang bahay.

I’m sure, naloka ang mga kamag-anak ng suspect dahil nasangkot ito sa isang celebrated case.

Artista si Ricky kaya interesado ang media sa kanyang kaso. Dapat ihanda ng bagets ang sarili niya dahil siguradong kakalkalin at aalamin ng media ang lahat ng detalye tungkol sa kanyang pagkatao.

Hindi si Ricky ang kauna-unahan na biktima ng tao na nakilala niya sa Facebook.

Marami sa mga kababayan natin ang naging biktima ng pang-aabuso dahil nagtiwala agad sa mga tao na nakilala niya sa Facebook.

Ilang kababaihan na ba ang napabalita na inabuso nang makipag-eyeball sila sa kanilang Facebook friends?

Ang iba eh hindi na lumantad dahil nahihiya na malaman ng mundo na naging victim sila ng sariling katangahan.

Aral sa lahat ang nangyari kay Ricky. Maging maingat at huwag basta magtitiwala sa mga bagong kaibigan o kahit sa dati nang mga kakilala.

Hindi porke may picture at pangalan sa Facebook eh ’yun na talaga ang kanilang tunay na katauhan.

Marami pa rin ang mapagpanggap para makapangloko ng kapwa.

Show comments