Rayver sobrang saya pa rin kahit 'di na madalas nakikita si Cristine
Tama kami sa nasulat sa kolum namin kahapon na hindi maitatago ng matagal ang sobrang galit ng isang talent manager sa controversial actress dahil kahapon din, lumabas sa isang tabloid ang rason nang ikinagalit ng talent manager sa controversial sexy actress.
Kung nagbasa kayo ng tabloid kahapon, makokonek ninyo kung sino ang talent manager at controversial sexy actress na aming tinukoy. Mahal ng talent manager ang kanyang mga alaga at hindi ito papayag na isa man sa kanila’y masasaktan at maagrabyado lalo’t walang kasalanan.
Pinagselosan at sinaktan ang aktor ng talent manager ng dyowa ng sexy actress at kaya pati sa sexy actress, galit ang talent manager. Sa iisang network lumalabas ang aktor at ang sexy actress, tiyak na hindi papayag ang manager na makasama ng kanyang mga alaga ang sexy actress sa mga shows ng network.
* * *
Naloka kami ni Dinno Erece sa “Long time no see” na bati sa amin ni Jillian Ward sa opening ng Kasambuhay Habambuhay, ang 10 short films to celebrate Nestle’s 100 Years in the Country. Tiyak kaming dalawa ang binati at naintindihan ng bagets kung ano ang ibig sabihin ng kanyang bati dahil yumakap ito sa amin.
Tampok si Jillian sa short film na Oh! Pa Ra Sa Ta U Wa Yeah! Kasama si Neil Coleta, kaya dumating ito sa opening/launching sa SM Megamall. ’Katuwa dahil kahit masakit na ang mga paa sa katatayo, ’pag may nagpa-picture ay agad pumapayag si Jillian at todo smile pa.
Libreng mapapanood ang 10 short films until today sa selected SM Cinemas at ang photo exhibit ng still pictures kuha sa shooting ay hanggang June 24 pa sa SM Megamall.
Samantala, buong linggo na pala napapanood sa GMA 7 si Jillian dahil Monday to Friday, nasa Captain Barbell siya, Saturday sa Andres de Saya, at simula this Sunday sa Promil Pre-School I-Shine bilang kiddie correspondent.
Heto pa, kasali rin si Jillian sa Shake, Rattle & Roll na entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) at may isa pang movie offer ang Regal Entertainment, Inc. Kinukuha rin siya ni Cesar Montano sa pelikulang gagawin nito para sa MMFF din.
* * *
Kasama si Rayver Cruz sa Forever and a Day movie nina Sam Milby at KC Concepcion (sinunod lang namin ang billing sa poster) sa role na tini-train siya ni Sam, pero hindi na siya pinapunta sa presscon, kaya sa opening/launching ng Nestle’s Kasambuhay Habambuhay pumunta bilang suporta sa mga taga-ABS-CBN talents na lumabas sa 10 short films.
“Sobrang saya,” ang paulit-ulit na sagot ni Rayver sa paulit-ulit na tanong ng press sa estado nila ni Cristine Reyes. Kabisado na nila ang isa’t isa at love talaga ang isa’t isa, kaya kahit hindi nagkikita dahil parehong busy, hindi nawawala ang tiwala sa bawat isa.
“Move on” naman ang sagot nito sa isyu sa kanila ni Sarah Geronimo.
May premiere night ang Forever and a Day bago ang showing ng Star Cinema movie sa June 15, siguro naman dadalo si Rayver. Hindi namin ito natanong kung isasama si Cristine sa premiere night.
* * *
Magkasama na pala sina Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap sa PPL Entertainment at parehong si Perry Lansigan na ang kanilang manager. Bagong lipat lang siguro si Rochelle sa PPL dahil noong isang araw lang siya dumalo sa meeting ng mga talents ng PPL.
Ngayong pareho na ang kanilang manager. Maging daan kaya ito para aminin na finally nina Rochelle at Arthur ang matagal na nilang relasyon? Mas maganda kung ipinaalam nila ang relasyon nila para libre silang nakakakilos sa labas.
Siguro naman, nagpaalam si Rochelle sa former manager niyang si Joy Cancio bago lumipat?
- Latest