Nakabalik na sa bansa sina John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao mula sa kanilang Europe vacation na inabot ng mahigit isang buwan. Maraming nagawa ang dalawa sa kanilang paglilibot sa Paris, Italy, at Amsterdam. “Napakasaya! Na-explore namin ang Europe sa pamamagitan ng train, bus, eroplano,” bungad ni John Lloyd.
Ngayon ay mas lalong tumibay at lumalim ang relasyon ng dalawa dahil sa matagal nilang pagsasama habang nasa bakasyon.
“Definitely, mas marami na kaming alam sa isa’t isa. Ganun naman ’yun eh. Kapag araw-araw mo nakakasama, mas marami kang natututunan. Mas marami na akong alam na mas makakatulong sa relationship namin, how to keep it stronger and paano kami magkakaunawaan sa mas magandang paraan,” kuwento pa ni John Lloyd.
Totoo kayang may naganap nang engagement habang nasa Europe sila?
“Narinig ko na ’yan, kesyo engaged na kami. Hindi po iyon totoo. Ang mga bagay na ’yan, kung tunay kang nagmamahal at wala naman kayong tinatapakang tao, hindi mo dapat itago. Kung meron man kaming dapat sabihin at totoo mang nangyari, ’di namin ipagkakait. Malayo pa kami,” pagtatapat pa ng aktor.
May mga bulung-bulungan din na buntis diumano si Shaina kaya matagal itong nagtago at may iba pang nagsasabi na hiwalay na ang magkasintahan.
“Buntis o naghiwalay, ewan ko, ngayon nga engaged na raw kami eh. Talagang mas malala pa diyan pinagdaanan, mga sinabi, binato sa amin pero tanggap naman namin na parte ng trabahong pinasok naming ito.
Sana hindi, sana matuto silang tumahimik na at wala naman kaming ginagawang masama sa mga nag-iimbento,” seryosong pakiusap ni Lloydie.
COCO nag-ala sikyu kay MAJA
Kamakailan ay libu-libong Kapamilya ang dumagsa sa Robinsons Starmills sa Pampanga para sa mall show ng teleseryeng Minsan Lang Kita Iibigin kasama sina Coco Martin, Maja Salvador, Martin del Rosario, at Andi Eigenmann. Sobrang natuwa si Coco sa mainit na pagtanggap ng mga tao sa kanila sa nasabing event.
“Sa dami ng mall show na nagawa ko na, ngayon ko lang na-experience ang ganung karaming tao. Sa lahat ng Kapampangan, salamat sa mainit na suportang ibinigay n’yo sa amin, at sana ay huwag kayong bibitiw,” pahayag ni Coco.
Nagsilbing security guard din ang aktor kay Maja sa kanilang mall show nang pagkaguluhan sila ng mga tagahanga.
“Siguro sa dami ng tao, minsan lang kami makita, sa sobrang sabik nila sa amin medyo nanggigil. Si Maja tinamaan pa siya sa mukha, siyempre kailangang protektahan dahil babae,” kuwento pa ni Coco. — Reports from JAMES C. CANTOS