Aiai matagal pinapangarap si Bossing

Kung noon ay palaging magkalaban ang mga pelikula nila sa taunang Metro Manila Film Festival, ngayong taon ay magsasama na sina Vic Sotto at AiAi delas Alas sa isang higanteng proyekto. Magsasanib puwersa ang Star Cinema at M-Zet Productions para sa pelikulang gagawin nina Vic at AiAi. “Dream come true, wish come true saka answered prayer na makasama si Bossing finally sa isang movie. Sabi ko last year, sana next year hindi na kami magkalaban, magkakampi na kami,” nakangiting pahayag ni AiAi.

Minsan nang nagkasama sa isang sitcom sa GMA sina Vic at AiAi at mula noon ay hindi pa sila nabibigyan ng pagkakataon na magkatrabahong muli kaya matagal na raw talagang pinapangarap ng comedy queen na muling makasama si Bossing Vic. “Oo! Sobra kasi idol ko nga iyan, saka si Bossing nakakatawa ‘yun, nakakatawang kasama. Siyempre first time naming magta­tambal kailangan gawin naming lahat ng makakaya namin para maging part 2, part 3, part 4 ito,” dagdag pa ng aktres.

Sinisiguro raw ni AiAi na dobleng saya at katatawanan ang ihahatid nila ni Vic sa kanilang mga taga­hanga sa pelikulang gagawin nila. “More fun, lahat ng makakapagpasaya sa tao gagawin namin ni Bossing,” pagtatapos ng comedy queen.

Tiyak na ngayon pa lamang ay inaabangan na ito ng mga tagahanga ng dalawa.

Jed Madela naginarte sa isang show?

Pumutok ang balitang nag-walk out daw kamakailan sa isang show si Jed Madela. Hindi raw nag-perform si Jed sa event dahil sa hindi raw nagustuhan ang mga musical instruments sa venue at ayaw din daw gumamit ng minus one ng singer. Isyung nais linawin ni Jed, ano nga ba ang tunay na nangyari? “Magpe-perform sana ako sa isang show, nakita ng mga musikero namin na sira-sira ‘yung mga gamit, ‘yung keyboard sira, nag-request kami to replace nila, but until mga 5:30 sinabi nila sa amin na wala raw talaga silang makuha, walang minus one na available. Kinausap ko rin ang mga musikero na okay lang bang postehan na lang ng gitara? The show must go on. So umakyat na kami para mag-set-up, bigla na lang sinabi na tinapos na namin ‘yung event. Parang unfair naman na sabihin nila na ayaw ko raw mag-perform dahil hindi specific na keyboard ‘yung binibigay sa amin, na parang ayaw ko raw mag-minus one. Sabi ko I would not risk my name, hindi ko sisirain ang pangalan ko para mag-inarte lang, sana naman ay ayusin. I-clear nila yung totoo, yung name ko,” seryosong pagde-detalye ni Jed.

Reports from James C. Cantos

Show comments