Usapang balik-eskuwela sa Life and Style
MANILA, Philippines - Tapos na ang bakasyon ng mga estudyante at balik-eskuwela na sila. Kaya sa Life and Style with Gandang Ricky Reyes ay isang natatanging pagtatanghal ang itatampok sa Sabado alas-onse ng umaga sa GMA News TV 11 para sa mga magulang at kanilang anak.
Inimbitahan ang isang pediatrician na magpapayo tungkol sa kalusugan ng mga balik-eskuwelang kabataan. Magbibigay naman ng suhestiyon sa mga pagkaing healthy pero kayang-kaya ng bulsa ang mga contestant ng Kapuso reality show na Kitchen Superstars at idedemo nila ang mga menu para sa almusal, recess at tanghalian.
Napatunayan ng mga dalubhasa na ang mga batang malusog ay nagiging matalino sa mga aralin at madaling nakasasali sa mga school activity.
Tutukan din ang pagbibigay ng payo sa mga magulang tungkol sa pagpili ng mga school bus na kukuning service lalo na’t ang buhay ng mga bata’y ipinagkakatiwala nila sa mga tsuper na kadalasa’y ’di gaanong pamilyar sa kanila.
Sa Great Hair Day ni Mader Ricky ay ipakikita ang low maintenance at high maintenance na ayos ng buhok. Mga kabataang babae’t lalaking nasa elementary, high school at college ang aayusan ng ating mabait at magaling na host-producer.
“Ang mga kabataan ang pag-asa ng bayan kaya dapat nating pag-ibayuhin ang pangangalaga at pagmamahal sa kanila,” sabi ni Mader RR.
- Latest