Naloloka ang staff ng isang bagong show na sinisimulan pa lang ang taping dahil may posibilidad na hindi tapusin ng bidang actor kung magpapadala ito sa pakiusap ng asawa na iwan na ang showbiz at gayahin siyang masaya bilang ordinaryong tao.
Mahal na mahal ng actor ang asawang aktres din na napilitan lang namang iwan muna ang showbiz dahil buntis. Nag-e-enjoy yata ang aktres na nasa bahay lang siya, hindi napupuyat at napapagod at gustong laging kasama ang actor, kaya ayun, kinukumbinse itong iwan na rin ang showbiz.
Kaso may sinisimulang project ang actor na kundi tatapusin ay malaking perwisyo sa network, sa staff at co-stars na ang iba’y ito lang ang show. Dasal ng staff na hindi magpadala ang actor sa paglalambing ng asawa at kung iiwan man ang showbiz ay tapusin muna ang taping ng show niya.
Jolina wala pang plano sa career pagkakasal
Wala pang nakakapagtanong kay Jolina Magdangal kung itutuloy niya ang showbiz career kahit may asawa na siya. Dahil wala pang date ang wedding nila ni Mark Escueta, tatanggapin pa siguro ni Jolina ang drama series ng GMA 7 na pagsasamahan nila ni Claudine Barretto.
Ang unang balita, Iglot ang title ng project nila pero papalitan daw dahil gagawing drama series at hindi na fantaserye. Tuloy pa rin dito ang balik-tambalan nina Jolina at Marvin Agustin at kasama rin si Luis Alandy.
Marami ang natutuwa na malapit nang ikasal si Jolina, hindi na “hihintayin kong mag-propose si Mark” ang isasagot nito ‘pag tinanong kung kailan siya mag-aasawa dahil engaged na siya mula pa noong May 20.
Cristine biglang nanahimik matapos mag-back out sa pelikula with Derek and Anne
Hindi na nagti-tweet si Cristine Reyes sa gagawing pelikula sa Viva Films, mukhang totoo ang tsikang nag-back out ito sa project na pagsasamahan sana nila nina Derek Ramsay at Anne Curtis, ayon kay Veronique del Rosario-Corpus.
Sa past tweets ni Cristine, excited nitong ibinalitang may bago siyang pelikula sa Viva Films, kaya kailangan niyang magpataba ng konti. Nitong mga nakaraang araw, tahimik na ito at walang nababanggit na pelikula.
Ang taping ng Reputasyon ng ABS-CBN ang madalas i-tweet ni Cristine at kasama niya rito si Aiko Melendez.
MMDA naghahanap pa ng pelikula para sa MMFF
Ipinaaalam ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Film Festival Executive Committee na bukas pa hanggang June 9, ang submission ng entry screenplays/scripts para sa 38th MMFF.
Sa na-submit at isa-submit pang entries, walo ang pipiliin bilang official entries ng Selection Committee na ipapalabas mula December 25, 2011 to January 7, 2012. Ia-announce ang eight official entries sa June 17.
Ang alam namin, sa mga gustong sumali sa 2011 MMFF, ang Panday 2 palang ng Imus Productions at GMA Films ni Sen. Bong Revilla sa direction ni Mac Alejandre ang nagsimula nang mag-shooting.
Malalaman din sa announcement ng eight official entries kung tuloy ang pagsasama sa pelikula nina Vic Sotto at AiAi delas Alas na co-production uli ng Star Cinema at M-Zet Films.