Nagkaroon ng pagtatanghal si Ogie Alcasid kamakailan sa Singapore, isang benefit concert, na masasabing isang malaking tagumpay dahil SRO ang lugar. Maraming nanood na Pilipino pero higit na nakararami ang mga Singaporeans sa audience. Bukod sa mga kanta niya na pamilyar at alam ng maraming Singaporeans, marami ring kanta si Regine Velasquez ang kinanta niya.
Popular at alam na alam dun ang kanta ng misis niya. When asked kung paano niya alam ang mga nasabing songs, sinabi niya na ang singer ay asawa niya. And that he makes songs for her. Natawa si Ogie dahil kitang-kita niya sa mga mukha ng kausap niya ang pagkagulat at hindi paniniwala.
“Parang sinasabi ng mga mukha nila na ’weehh, totoo ba ang sinasabi mo? I still had to convince them na talagang mag-asawa kami ni Regs, at saka pa lamang sila naniwala,” bungad ni Ogie sa mga kumakausap sa kanya.
Hindi lamang ang SRO niyang concert ang nakakapagpasaya sa pinuno ng OPM ngayon kundi ang pangyayaring na-meet niya sa kanyang biyahe ang pangulo ng Singapore. Itinuturing niya itong isang malaking achievement dahil pinaka-malaking tao na ng bansang kanyang pinuntahan ang humarap at nagbigay importansiya sa kanya.
Sayang at hindi niya nakasama sa biyahe si Regine dahil pinagbawalang muli ito ng kanyang mga doktor na magbiyahe at baka mapagod at tuloy magbigay problema pa sa kanyang pagbubuntis.
Regine would have created a big stir kung sumama siya kay Ogie dun, maybe not as a performer but as his wife.
Ganun ito kasikat sa Singapore.
Jolina, hindi prinesure si Mark na pakasalan siya
Sulit naman pala ang matagal na ipinaghintay ni Jolina Magdangal sa marriage proposal ng kanyang matagal-tagal na ring boyfriend na si Mark Escueta, miyembro ng isang sikat na banda.
Sobrang emosyonal si Jolens dahil matagal na niyang hinihintay ang proposal ni Mark pero tulad ng matagal na niyang sinasabi sa lahat ng mga nagtatanong na ayaw niyang pangunahan ang boyfriend.
“Gusto kong sa kanya mismo manggaling kung magiging mas malalim pa ang aming relasyon. Ayaw ko siyang i-pressure,” paliwanag ng Kapuso artist na kahit matagal nang naka-move on sa kanyang naging kabiguan nun sa matagal ding nakarelasyong si Bebong Muñoz ay parang kahapon lamang ito naganap kung tratuhin ng tao.
Isa sa mga unang nakaalam ng engagement nila ni Mark ay ang friend ni Jolens at kasamahan sa Party Pilipinas na si Kyla pero sinabi ni Jolens na mas mauuna ang kasal nito kay Rich Alvarez kesa sa kanila ni Mark.
Enchong at Julia hindi na pinaniniwalaan
Super deny pa rin sina Enchong Dee at Julia Montes na may relasyon sila kahit pa madalas na silang nakikitang magkasamang dalawa. Oo nga at ay may mga kasama sila pero, hindi na sila maaring magtago pa kahit sa palda ni Kathryn Bernardo dahil obvious na sinundo ng ka-loveteam ni Erich Gonzales na balita rin namang pinopormahan ng iba, ang kontrabida sa Mara Clara.
Wala naman masisirang relasyon between Enchong and Erich dahil matagal ng tanggap ng kanilang mga fans na hanggang sa screen lamang ang pagpapareha nila.
Anuman ang maging dahilan ng kanilang pagdi-deny, ‘di ba nila alam na habang nagdi-deny sila ay lalo lamang silang hindi pinaniniwalaan ng publiko?