Kapamilya pinarangalan uli ng Reader's Digest bilang pinagkakatiwalaang network

Manila, Philippines - Ikalawang sunod na taon na pala na pinarangalan ng Gold Award ng Reader’s Digest magazine ang ABS-CBN bilang pinagkakatiwalaang TV Network sa bansa.

Pinatunayang muli ng Kapamilya network na ito ang pinipili ng nakakarami pagdating sa kredibilidad.

Kasama ng ABS-CBN ang iba pang mga kilalang organisasyon o brand na ibinoto ng mga konsyumer sa taunang parangal ng Reader’s Digest, ang magasin na may pinakamalaking sirkulasyon sa buong mundo.

Maliban sa Pilipinas bibigyang parangal din ng Reader’s Digest ang mga organisasyon sa Hong Kong, India, China, Malaysia, Singapore, Taiwan, at Thailand.

Tinanggap ni ABS-CBN Channel 2 Head Cory Vidanes ang award last June 2 kasama si ABS-CBN Corporate Communications Head Bong Osorio at ABS-CBN Marketing Head Cookie Bartolome sa ginanap na seremonya sa Resorts World.

Samantala, kamakailan lang ay nanguna rin ang primetime newscast ng ABS-CBN na TV Patrol sa ginanap na StratPolls survey para sa pinaka-pinaniniwalaang news team sa telebisyon sa bansa.

Ayon sa survey na ginanap mula ika-25 hanggang ika-29 ng Abril ngayong taon sa National Capital Region, 45.6 porsiyento ng mga respondent ang pinaka-pinaniniwalaan ang TV Patrol, malayo sa 41.2 porsiyento para sa 24 Oras ng GMA 7.

Tinalo rin ng Iba-BALITA (1.8%) ng Studio 23 ang GMA News TV (0.8%) sa Channel 11.

Ayon pa sa survey nanguna rin si TV Patrol anchor Noli “Kabayan” De Castro bilang top news anchor sa survey. Kasama niya ang tatlo pang ABS-CBN anchors sa Top 10, kabilang si Anthony Taberna.

Hindi ito ang unang beses na nanguna ang ABS-CBN sa usapang kredibilidad. Sa 2010 Pulse Asia Survey, ABS-CBN din ang pinaka-pinaniniwalaang TV network sa pagbabalita - 63 porsiyento laban sa 55 porsiyento ng GMA.

Show comments