Naging masaya si ZsaZsa Padilla sa katatapos lamang niyang kaarawan dahil nakasama niya ang kanyang mga mahal sa buhay sa espesyal na araw na ito. “Noong salubong sina Karylle at Zia, we just baked cookies because I have a new kitchen,” bungad ni ZsaZsa.
Isang libro raw tungkol sa pag-iipon ng pera ang ini-regalo sa kanya ni Karylle.
Ano naman kaya ang ibinigay ni Mang Dolphy sa divine diva? “Alam niya ang pinakahilig ko sa lahat ay sapatos, so ang dami niyang ibinigay sa akin na sapatos,” dagdag ni ZsaZsa.
Hindi na raw nagplano ang singer ng isang engrandeng selebrasyon dahil natanggap na raw niya ang matagal nang hinihiling. “Para sa akin ang dami ko nang blessings na dumating ‘di ba? unang-una nga ‘yung annulment ko, finally after ten years, siguro sapat na ‘yun to make me really really happy for my birthday,” kuwento pa ni ZsaZsa.
Nakatakda na kaya silang magpakasal ni Dolphy ngayong annulled na si ZsaZsa sa unang asawa? “Wala pa, wala pa. Malalaman n’yo naman ‘yon eh. They’re happy for me, pakiusap ko nga lang, may legalities pang kailangang ayusin. So ‘yun kapag naayos na iyon siguro we’ll let you know,” pagtatapos ng divine diva.
Aiko tinanggap ng mga taga-Bulacan
Noong Lunes ay nagpunta si Aiko Melendez sa Bulwagan ng Katarungan ng Malolos, Bulacan para mag-sumite ng kanilang counter affidavit sa libel case na isinampa nina Mayor Patrick Meneses at Mayor Enrico Roque noong April 28. “We always want this to end, na maayos lahat pero siyempre we have to still prove na I did not do anything to anyone, and I will prove that. Nakakaawa si Ogie Diaz, I feel sorry na nadamay siya rito,” seryosong pahayag ni Aiko.
Bukod sa kasong libelo ay umapela rin ang aktres sa Persona Non Grata na isinampa sa kanya ng 21 mayors ng Bulacan dahil labis daw na naapektuhan ang kanyang mga anak. “Lalo na si Andrei, hindi naman naiintindihan ng labindalawang taong gulang na bata ‘yung papel na ipinakita sa camera. Sinabi lang sa TV na ako ay na-file-an ng ganon, stigma ‘yun sa anak ko,” dagdag pa ni Aiko.
Medyo kinabahan daw si Aiko sa kanyang pagpunta sa nasabing lalawigan. “Siyempre, pero the minute I stepped out of my car, I saw ‘yung pagtanggap ng mga tao sa akin dito. I think ‘yung mga Bulakenyos, malaki ang puso nila, at hindi sila mapang-husgang tao. Nakikiusap lang ako sa 21 mayors na nag-sign po ng Persona Non Grata sa akin, walang basis po, this is something personal,” paliwanag ni Aiko.
Nagsampa na rin ng temporary protection order ang aktres laban kay Mayor Meneses kaya hindi na siya maaaring kausapin nang direkta ng mayor. Reports from JAMES C. CANTOS