Career ni Marian nakasalalay sa Amaya

Hanga naman talaga ako sa ginawang pagpapaganda ng GMA sa Amaya. Ang ganda talaga ng pagkakagawa. Parang pelikula. Kung noon ay nagreklamo ang pamunuan sa gastos, nakita na kagabi kung bakit inabot ng malaki ang gastos. Hindi naman puwedeng 20 lang ang tao. Mahahalata rin kung iisa ang set. Biruin mo, nakagawa pa sila ng isang barko na palagay ko nagkakahalaga rin ng milyon.

Unang dapat maging proud aside from Direk Mac Alejandre ay si Marian Rivera. Para maging bida siya sa ganito kalaking proyekto, aba, iba siya. Talagang reyna nga ang turing nila sa kanya, reyna ng primetime. Ganito kalaking pagpapahalaga ang ibinibigay sa kanya ng network. And I think she earned it naman. Kaya lang nakaka-pressure ito, kailangan niyang mapataas ang rating at mapanatili ang rating nito sa itaas.

Hindi niya kailangang makampante sa magandang first showing nito dahil siyempre, lahat ng bagong palabas ay pinanonood ng tao pero hindi lahat ng palabas ay sinusundan hanggang sa katapusan.

Marami ang matapos ang isang linggong pagpapalabas ay iniiwan na ng manonood. Kailangang masi­guro nina Marian at Direk Mac na mas dumami pa ang manonood ng Amaya habang nagtatagal ito sa ere.

Lani pinairal ang pagiging fighter

 Isa ako sa tumayong ninong nina Bong Revilla at Lani Mercado sa renewal of vows nila nung Sabado. Hindi ko na binanggit dito sa column ang mga titulo nila bilang public officials dahil ang pagni-ninong ko sa kanila ay bunga ng mahabang panahon naming pagkakaibigan, at hindi dahil sa mga sikat silang pulitiko.

Engrande ang affair. Lahat yata ng sikat na personalidad sa showbiz andun. Marami ring pulitiko dahil sa katayuan nila sa lipunan.

Binabati ko ang dalawa dahil sa kabila ng unos na pinagdaanan nila, ayun sila at sumusumpa pang patuloy na magmamahalan.

Sa mag-asawa, mas bilib ako kay Lani dahil kinaya niyang maging buo ang pamilya niya. Lalaki si Bong, artista at may sinasabi. Hindi kataka-takang ma­ging habulin ng babae. Kung mahina-hina si Lani, puwedeng sumuko siya, pero fighter siya. Matapang siya, malakas ang loob, she fought for her children, for her marriage, and for her love.

Binabati kita. Dapat ka lang bigyan ng ganun kagandang pangatlong kasal ni Bong.

Lalaki ni Rufa Mae forever na nameless

Totoo bang sina Rufa Mae Quinto pa rin at ang kanyang misteryosong Mr.M.? Kaya ba walang nababakas na kalungkutan sa mukha ni P-Chi?

Kung masaya siya okay lang pero dapat ma­kakahanap siya ng guy na puwede niyang i-display at ‘yung hindi palagi niyang itinatago. Unfair din sa kanya yung palagi na lang nameless ang boyfriend niya.

Bonggang senyales

Magandang senyales ‘yung pagsasama-sama nina Patrick Garcia, Jennylyn Mercado, at ng anak nilang si Alex Jazz sa pictorial para  sa cover ng isang magasin. Para silang iisang pamilya. Ganun naman talaga ang dapat. Kahit ‘di kasal ang isang couple na may anak dapat patuloy na maging maganda ang relasyon nila, para sa mga anak nila.

Jennylyn may have her Luis Manzano now pero, si Patrick ang ama ni AJ. At kailangang maging close sina Jennylyn at Patrick for him. Ito ang dapat maintindihan ni Luis para .di siya magselos na tulad ng nangyari kay Dennis Trillo noon.

Show comments