PIK : Ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ni Marco Alcaraz ang kasal nila ni Lara Quigaman sa susunod na taon.
Balak nila ay sa December 2012 pero wala pa silang napagkasunduang araw.
Kaya ngayon pa lang ay nag-iipon na si Marco dahil gusto naman niyang maibigay ang dream wedding ni Lara.
Nagkasundo sila na beach wedding kaya naghahanap na sila ng magandang beach resort sa Batangas.
Kasali rin si Marco sa Sisid na nagsimula na kahapon sa Dramarama sa Hapon ng GMA 7.
PAK : Parang eksena sa isang comedy film ang nangyari sa female TV host na kilalang may pagkamali-mali sa kanyang daily program.
Minsan ay dumalaw ito sa isang kaibigang nasa ospital. Medyo maselan ang kalagayan ng kaibigan kaya pagdating nito ay taimtim itong nagdasal.
Feel na feel ni female TV host ang pagdarasal na halos mangiyak-ngiyak pa.
Napansin ni female TV host na parang sisinghap-singhap ang kaibigan nito. Lalong nilakasan ni female TV host ang pagdarasal dahil tingin nito parang sumasabay sa kanya sa pagdarasal ang kaibigang may sakit.
Nabigla itong nagdatingan ang mga nurse para tulungan ang pasyente dahil hirap na hirap na pala itong huminga.
Saka lang napansing natakpan na pala niya ang tube na nakakabit sa oxygen!
Hiyang-hiya si female TV host sa kaibigan dahil muntik na palang ikinatigok ng kaibigan ang pagdarasal niya pero nakatapak naman sa tube ng oxygen.
BOOM: Nag-file na kahapon si Aiko Melendez ng counter affidavit sa Malolos Regional Trial Court kasama si Ogie Diaz.
Ito ay kaugnay sa kasong libel na isinampa nina Mayor Patrick Meneses at Mayor Enrico Roque laban sa kanila.
Kailangan nilang sagutin na ihiling sa fiscal na i-dismiss ang kaso dahil wala itong probable cause. Walang basehan ang mga akusasyon kaya dapat na lang i-dismiss ito.
Ang pagkakaalam namin, may kaso ring isasampa si Aiko pero wala pa silang masasabi tungkol dito dahil hindi pa puwedeng pag-usapan, ayon sa abogado ni Aiko na si Atty. Adel Tamano.
Wala rin siyang komento sa posibilidad na magkaayos out of court dahil wala silang naramdamang ganung intensiyon mula sa kabilang kampo.