Gandang-ganda ang entertainment press kay Marian Rivera bilang si Amaya nang dumalo sa presscon ng bagong epic serye kamakailan. At siguradong tuwang-tuwa rin siya sa papuri ng director na si Mac Alejandre at program manager sa pagsasabi kung gaano ka-propesyonal ng aktres.
May ilang eksena raw kasi na kailangang tumakbo sa gubat ng aktres at sinabihan siyang gumamit ng proteksiyon o sapin sa paa pero hindi ito pumayag. Hindi ininda ni Marian na magkasugat-sugat ang paa sa katatakbo sa gubat.
Nag-topless din ito sa ilang eksena.
‘Wala namang bra noong araw, ‘di ba? May takip na buhok at mga kuwintas ang dibdib ko kaya okey lang.’’
Natutuwa si Marian dahil first time niyang gumanap na prinsesa and this time wala siyang powers gaya sa Darna, orihinal ang istorya at hindi ito batay sa komiks o sa ibang TV shows.
Kasama rin sa Amaya si Raymond Bagatsing bilang si Datu Bugna na ama ni Marian Rivera. Umaasa ito na magtuluy-tuloy na ang career niya.
Naikuwento nito ang mga karanasan noong siya’y napunta ng Amerika kung saan nagbebenta siya ng ticket at brochure ng mga pelikula at naging kahero at salesman sa California. Hiwalay na sila ng kanyang may-edad na asawa at kasalukuyang may nobyang Australian-American na isang singer at composer.
Mara, Clara nakapag-pundar na
Tinanong namin sina Kathryn Bernardo at Julia Montes ng Mara Clara na magtatapos na kung paano nabago ang kanilang buhay ngayong sikat na silang pareho.
Bukod sa nakapagpundar na sila ng kabuhayan at sasakyan kahit saan sila magpunta ay sikat na sila - tinitilian at hinahabol na sila ng mga tao para magpa-autograph at magpakuha ng pictures.
‘‘Pero di kami magbabago, down-to-earth pa rin kami at humble para lalo pa kaming magtagumpay,’’ ani Julia.