Ganun pala ang feeling na mabalitaan mong namatay ka, matatakot ka. Pero initial reaction lang ito, pagkatapos, makakaramdam ka ng relief, dahil hindi totoo ang balita.
Magagalit ka rin sa nagpalabas ng balitang hindi totoo, na hindi muna bini-verify ang facts nila bago nila isulat. Magagalit ka sa pagiging iresponsable nila. Lalo’t biglang nagkagulo ang pamilya mo. Ang mga kaibigan at kakilala ko tawagan nang tawagan sa telepono. Kumita sa akin ang telephone and cell phone companies dahil sa mga nagastos ko sa pagsagot lamang sa maraming katanungan tungkol sa ‘pagkamatay’ ko.
Konsolasyon ko na lamang na ang mga nababalitang namatay ay mas humahaba pa ang buhay.
Twitter naging diary na
Pansin ko lang, bakit konting kibot ay naka-Twitter agad kayo? Ito na ang paboritong gamitin ng mga nalulungkot para mailabas nila ang sama ng loob na hindi nila masabi ng harapan sa mga nagpapalungkot sa kanila.
Ginagawa na itong diary ng lahat at hantungan ng lahat nilang saloobin. Hindi na nila kinikimkim ang sama nila ng loob o maski na ang saya. Itinu-tweet na nila.
Okay naman to share with others ‘yung saya n’yo or maski na ‘yung lungkot, pero bakit kailangan pang magdetalye ng mga pribadong bagay na alam na alam n’yong mababasa ng iba, ng maraming ibang tao? Ito ba ang intensiyon n’yo?
In The Name of Love iniyakan ng mga astig
Hindi lamang naman mga malalaking tao ang umiyak sa In the Name of Love, ako rin! I really took time out para makasama sa marami na nanood na ng movie. Ayaw ko namang kapag pinag-uusapan ito ng mga kakilala ko ay nakikinig na lamang ako. Gusto ko ring mag-participate sa mga diskusyon nila tungkol sa merits at demerits ng movie. So far, mas marami ang una kesa sa pangalawa.
Kakaiba ang istorya ng movie. Puwede ring sabihing ordinaryo pero dahil sa magandang pagkakahawak dito ng direktor na si Olive Lamasan, nagawa niyang kakaiba ang pelikula niya, hindi formula at hindi mo aasahan ang magiging ending.
Nung manood ako, ang dami pa ring tao. At lahat umiiyak. ‘Yung mga lalaking astig na sinamahan lamang sa panonood ang kanilang asawa at girlfriends, eh umiyak din. Kayo rin kung matagal na kayong hindi umiiyak at naipon na ang mga sama n’yo ng loob sa dibdib, go and watch In The Name of Love.