Fil-Hair malaking tagumpay

MANILA, Philippines - Hindi mahulugang-karayom ang ballroom ng Philtrade Center nuong May 18 kung saan idinaos ang taunang event ng Filipino Hairdressers Cooperative (Fil-Hair) na Hair and Make Up Trends 2011.

Sa programa ng GMA News TV 11 na Life and Style With Gandang Ricky Reyes, 11:00 ng umaga ngayong Sabado ay itatampok ang makulay, nakaaa­liw at hitik sa dramang pangyayari sa nasabing event.

Ipakikita sa programa ang madugong paghahanda ng mga sumali sa mga kategoryang Men’s Hair Cut, Ladies’ Hair Cut, Commercial Make Up, Fantasy Make Up at Bridal Make Up. Ipapalabas din ang iba-ibang karanasan ng mga parloristang kalahok para lamang magwagi ng titulo, cash, parlor equipment at iba’t ibang produkto.

Ipakikilala ang mga delegado mula sa Korea at Taiwan na bukod sa nagbigay ng mga panuntunan ng pagsali sa international competitions ay naupo rin bilang members of the board of judges.

Ang mga kampeon sa iba’t ibang kategorya’y ipapadala sa Asia Pacific Hair­dressers and Cosmetologists Association (APHCA) Competition sa Macau sa ikalawang linggo ng Nobyembre.

“Ginagawa namin ito taun-taon para magkaroon ng inspirasyon ang mga parlorista na paghusayin ang kanilang kaalaman. Para mag-move on sila at lalong magtagumpay sa buhay. At siyempre, isang magandang karanasan ang makasali ka sa paligsahan na mga banyaga ang makakalaban,” sabi ni Mader Ricky na founder-president ng Fil-Hair at incumbent APHCA president.

Show comments