MANILA, Philippines - Lalong paiigtingin ng DZMM ang paghahatid ng balita at serbisyo gamit ang mas makabagong teknolohiya sa pagdiriwang nito ng ika-25 anibersaryo ngayong taon.
Ito ang inanunsiyo ni ABS-CBN Head for Manila Radio Division Peter Musngi sa naganap na trade event para sa DZMM SilveRadyo kamakailan lang sa One Esplanade sa Lungsod ng Pasay.
“Natupad ng DZMM ang misyon nito na maging una sa paghahatid ng balita at una sa paghahatid serbisyo sa publiko. Nagawa namin ‘yan sa loob ng 25 taon at patuloy naming gagawin ito sa mga darating pang panahon habang kami’y mas lumalakas at gumagaling,” sabi ni Musngi.
Nagpahiwatig din ito sa mga advertisers sa mga kaabang-abang na magaganap ngayong taon na nakalinya sa DZMM SilveRadyo. Kasama rito ang paglulunsad ng bagong station ID sa June 12.
Samantala, bumida naman ang mga anchor, reporter, at executive ng DZMM sa trade event, kung saan sila mismo ang nagtanghal at nagbigay tuwa sa mga advertiser na dumalo.
Si Ted Failon at Pinky Webb ng Tambalang Failon at Webb ay nag-duet. Si Anthony Taberna at Gerry Baja naman ng Dos Por Dos ang nangharana sa mga Bb. Pilipinas Finalists, habang sinorpresa naman ni Karen Davila at Musngi ang lahat sa pagkanta nila ng Kahit Maputi na ang Buhok Ko.
Si Alex Santos ng Radyo Patrol Balita at DJ ChaCha ng Tambayan 101.9 San Ka Pa ay nagkaroon ng magkasunod na pagkanta kasama sina Toni Gonzaga at Jericho Rosales.
Nagpasalamat din si Musngi sa mga advertiser sa walang humpay na pagsuporta sa mga nakalipas na taon.
Maraming una ang nagawa ng DZMM tulad na lang ng unang pagpapalabas ng mga programa sa radyo sa telebisyon sa pamamagitan ng DZMM Teleradyo. Ngayon, sinundan na ito ng iba pang istasyon.
Nangunguna rin ang DZMM pagdating sa serbisyo publiko sa mga makabago at malikhaing proyekto gaya ng Kapamilya, Shower Na noong 2009 na sinundan ng proyektong DZMM TLC (Teaching Learning Caring) clinic-on-wheels and classroom-on-wheels.