MANILA, Philippines - In fairness, lalo pa raw umarangkada ang kampanya na labanan ang kahirapan sa bansa sa pagtatatag ng Social Institute for Poverty Alleviation and Governance o SIPAG center ng Villar Foundation.
Say ni Senador Manny Villar, chairman ng Villar Foundation, layunin ng organisasyon na tulungang maiahon sa kahirapan ang maraming Pilipinong naghihirap at naghihikahos sa buhay. “Hindi natin maaaring ipagwalang-bahala ang kahirapan dahil ang mukha ng paghihikahos ay araw-araw nating nakikita sa ating mga kababayan.”
Ito ang say ni Villar sa pagtayo ng Villar SIPAG Center sa lungsod ng Las Piñas na inaasahang matatapos sa susunod na taon. Ang SIPAG center ay magsisilbing sentro ng kaalaman tungkol sa paglaban sa kahirapan at iba’t ibang uri ng pagkakakitaan at kabuhayan. Mayroon din itong reception hall, sinehan, exhibit hall at memorabilia hall ng mga Villar.
Batay sa ulat ng United Nations, aabot sa 900 milyon sa mga mahihirap na indibidwal sa buong mundo na nabubuhay sa isang dolyar lamang sa araw-araw ang naninirahan sa Asya Pasipiko. Mahigit sa 40 milyong Pinoy ang nabubuhay ng wala pa sa dalawang dolyar araw-araw.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Cynthia Villar, managing director ng Villar Foundation na hindi lamang magiging showcase center ng mga programa at proyekto ng Villar Foundation ang Villar SIPAG center.
Ang Villar SIPAG center ay may malawak na reference center ng mga aklat at babasahin tungkol sa paglaban sa kahirapan, pagnenegosyo, at gabay pang-kabuhayan. Dito rin makikita ang memorabilia ni Senador Manny Villar.
“Magkakaroon din tayo ng mga pagsasanay sa Villar SIPAG center para madagdagan ang mga nakikinabang sa mga livelihood skills program na ipinatupad na sa kasalukuyan,” dagdag pa ni Gng. Villar.
Itinatag ang Villar Foundation noong 1995 at aktibong nagpatupad mula noon ng mga programang pangkalikasan, pangkabuhayan, pagtulong sa mga OFW’s programang pangkalusugan at iba pang mga programa laban sa kahirapan.