MANILA, Philippines - Sa kasaysayan ng IDOL, ito ang season finale na may pinakabatang finalists – sina Scotty McCreery, 17, at Lauren Alaina, 16, ang nanguna matapos matanggal sa labanan si Hailey Reinhart, 20, nitong nakaraang linggo.
Record-setting ang 95 million viewer votes na naitala matapos ang performance night nitong huling elimination. Ito ang pangatlo sa pinakamataas na bilang ng boto at ang pinakamataas na total para sa isang non-finale episode.
Si Scotty, tahimik ang umpisa sa IDOL, pero hindi nagtagal ay umarangkada siya at ngayon nga ay itinuturing nang nangunguna sa hanay ng mga finalists.
Ang musical style influence ng Garner, North Carolina native na ito ay sina Johnny Cash, Hank Williams, Conway Twitty, at pati na rin si Elvis, Tim McGraw, Toby Keith, Randy Travis, at Josh Turner.
Si Lauren naman, na taga-Tenessee, ay isa sa mga standouts noong auditions. Pero kahit na isa siya sa may pinakamagandang boses sa season na ito, tila hindi pa siya bumibida ngayong finals.
Isa sa mga hinahangaang singers ni Lauren ang Grammy winner at dating IDOL champ na si Carrie Underwood. At siyempre pa, ang Aerosmith. Sa audition ni Lauren, inawit niya ang isang kanta ng Aerosmith at sinabayan pa siya ni Steven Tyler, ang frontman ng banda at isa sa mga judges sa IDOL.
Sa final performance show ng season ngayong Miyerkules, May 25, 6:00 p.m. sa GMA News TV Channel 11, magkakaalaman na kung sino kina Scotty at Lauren ang mas angat sa live performance.
At sa pinakahihintay na finale naman na mapapanood live via satellite sa Huwebes, May 26, 8:00 a.m. ay magkakaroon ng special performances, surprise guests at reunion ang Top 13 – kasama ang Fil-Am na si Thia Megia – bago pangalanan ang susunod na American Idol.
Sino ang bibida sa biritan? Abangan ang pinakahihintay na tapatan nina Scotty at Lauren ngayong season finale!