MANILA, Philippines - Simula ngayong Lunes (May 23), back-to-back na mapapanood ang award-winning noontime newscast na Balitanghali at public service program na On Call sa mas pinaaga nitong timeslot sa GMA News TV – ang una at natatanging news and public affairs channel sa very high frequency (VHF) free TV.
Live araw-araw, hatid ng Balitang Tanghali ang pinakamaiinit na balita at malalaking kaganapan sa bansa sa loob ng isa at kalahating oras simula 11:30 a.m. Samantalang mas mapapaaga naman ang pagbibigay ng tulong at serbisyong totoo sa mga nangangailangan sa On Call simula ala-una ng hapon.
Maghahatid ng balita mula Lunes hanggang Biyernes sa Balitanghali ang seasoned journalists na sina Pia Arcanghel at Raffy Tima samantalang ang mga senior correspondents na sina Mariz Umali at Jun Veneracion ang makakasama sa Balitanghali Weekend. Kasama rin sa Balitanghali si Grace Lee bilang showbiz segment host.
Simula nang umere noong Nobyembre 2005, matagumpay ang Balitanghali dahil maraming manonood ang nakasanayan nang tumututok sa nasabing noontime newscast kahit pa marami itong kasabayang variety program na mapapanood sa ibang network.
Ang On Call naman na dating napapanood ng alas-kuwatro ng hapon ay nalipat sa mas maaga nitong oras na ala-una ng hapon. Pinangungunahan ng mga well-respected journalists na sina Connie Sison at Ivan Mayrina, kasama ang segment host na si Valerie Tan, hatid ng On Call ang pagbibigay ng agarang tulong at serbisyong totoo sa mga Pinoy na nangangailangan.
Mapapanood sa programa ang mga reklamo ng maraming manonood at ang agarang pagtugon sa nasabing problema sa tulong ng mga ahensiya o mga tao na may authority para tumugon sa hinaing. Tinutugunan din ng On Call ang problema sa kababaihan, kabataan, mga iregularidad na huling-huli sa camera pati na rin ang pagtulong na maibalik sa kani-kanilang pamilya ang mga nawawala.
Tampok din sa On Call ang isang public service caravan na magbibigay ng libreng tulong sa mga mamamayan para sa mga pangangailangan mula sa mga sangay ng gobyerno tulad ng National Statistics Office (NSO), Philhealth, at marami pang iba.
Bukod dito, magkakaroon din ng livelihood seminars at iba pang public service activities ang On Call para lalong matulungan ang maraming Filipino.
Panoorin araw-araw ang pinakamaiinit na balita at mga bagong impormasyon sa Balitanghali (11:30 a.m. to 1 p.m.) na susundan naman ng on-the-spot assistance at serbisyong totoo ng On Call (1 p.m. to 2 p.m.) simula ngayong Lunes sa Channel 11.