Arnold nagbigay ng downpayment para sa bahay ng naanakan

MANILA, Philippines - Inilabas kahapon ng TMZ sa website nito ang isang lumang larawan ng aktor at dating California governor na si Arnold Schwarzenegger habang nakikipagsayawan siya sa isa niyang katulong o household staff na si Mildren Patty Baena sa isang private party sa bahay ng aktor.

Naunang napabalita na si Baena ang sinasabing naanakan ni Arnold na dahilan para maghiwalay sila ng asawa niyang si Maria Shriver. Naganap ang naturang party may tatlong taon bago isinilang ang anak ni Patty sa aktor. 

Ang larawan na nagpapakita sa dalawang nagsasayaw habang nagpapatugtog ang mariachi band ay kinunan noong Nobyembre 1994. Ito ang panahon na lumabas na sa mga sinehan ang pumatok na pelikula ni Arnold na True Lies at Junior.

Iniulat din ng TMZ na, isang taon bago inamin ni Arnold ang kanyang “pagkakasala” sa kanyang asawa, nagbigay siya ng $65,000 downpayment para sa utang sa bahay ni Baena sa Bakersfield, California.

Kasama ni Baena sa bahay ang 13 anyos na batang lalaking anak niya sa aktor.

Show comments